MAYNILA — Inanunsyo kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang opisyal na pagtatapos ng southwest monsoon o Habagat season sa bansa.
Ayon sa PAGASA, humina ang Habagat sa mga nagdaang araw at nagkaroon ng gradual change sa weather pattern bunsod ng paglakas ng high-pressure system sa silangang Asya at ng southward migration ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Ipinahayag ng weather bureau na batay sa kanilang forecast models, mananatili ang ganitong kondisyon sa mga susunod na araw. Dahil dito, opisyal na tinapos ng PAGASA ang Habagat season at nagsimula na ang transition period patungo sa Northeast Monsoon o Amihan season.
Ang pagpasok ng Amihan ay karaniwang nagdadala ng malamig at tuyong hangin mula hilaga-silangan, na nagpapahiwatig na malapit na ang panahon ng Kapaskuhan.
Ayon sa historical climate data ng PAGASA, ang Habagat ay karaniwang nagdudulot ng wet season o tag-ulan mula Hunyo hanggang Oktubre, habang ang Amihan naman ay nagdadala ng dry season mula Disyembre hanggang Mayo.
Sa kabila ng pagtatapos ng Habagat, nagbabala rin ang PAGASA na may posibilidad ng mas mataas na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa sa mga darating na buwan dahil sa epekto ng La Niña.
Ang pagbabago sa wind pattern ay may malaking epekto sa agrikultura, turismo, at paghahanda ng mga lokal na pamahalaan sa pagbabago ng klima. Sa mga susunod na linggo, inaasahang mas madarama ang malamig at tuyong simoy ng hangin bilang hudyat ng bagong yugto sa seasonal cycle ng bansa
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





