PAGASA: Isa pang bagyo ang posibleng dumating bago matapos ang Agosto

0
482

Maaaring magkaroon ng isa pang weather disturbance at makaapekto sa bansa bago matapos ang buwang ito, ayon sa weather forecaster kanina.

“Walang low pressure area sa loob ng Philippine Area of ​​Responsibility ngunit ang silangang bahagi ng bansa ay maaaring makaranas ng mga pag-ulan dahil sa cloud clusters, at hindi namin inaalis ang posibilidad ng panibagong tropical cyclone bago matapos ang buwan,” ani Benison Estareja ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Patuloy na humihina ang habagat at kasalukuyang nakakaapekto sa western section ng northern at central Luzon, ayon sa kanya.

Para sa forecast nitong Huwebes, sinabi ni Estareja na pangkalahatang maaraw ang panahon, lalo na sa mga lugar na nakaranas ng mga pag-ulan dahil sa Severe Tropical Storm Florita.

Mararanasan pa rin ang mga pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms, dagdag pa niya.

Mainit at mahalumigmig na panahon ang iiral, ngunit may mataas na posibilidad ng pagkidlat-pagkulog sa buong Luzon.

Samantala, katamtaman hanggang sa malakas na hangin at katamtaman hanggang sa maalon na karagatan ang inaasahan sa kanlurang bahagi ng Luzon.

Katamtaman hanggang sa maalon na karagatan ang mararanasan sa hilagang at kanlurang seaboard ng hilagang Luzon, at kanlurang seaboard ng gitnang Luzon (Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales at Bataan).

Ang mga bangkang pangingisda at iba pang maliliit na sasakyang pandagat ay inaalerto laban sa katamtaman hanggang sa maalon na karagatan, ayon sa PAGASA.

Sa ibang lugar, sinabi nito na ang hangin ay magiging mahina hanggang sa katamtaman na may banayad hanggang sa katamtamang pag-alon ng karagatan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.