Nagbabala ang PAGASA sa ‘dangerous heat index’ sa 10 lugar ngayong araw

0
182

Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa inaasahang pagtaas ng heat index sa 10 lugar sa bansa ngayong araw, Marso 31.

Batay sa forecast ng PAGASA na inilabas nitong Marso 30, alas-5 ng hapon, ang heat index na maaaring umabot sa ‘dangerous level’ ay nasa 42°C hanggang 51°Celsius.

Ayon sa PAGASA, ang heat index ay tumutukoy sa sobrang init ng panahon kung saan ang temperatura ay maaring maging delikado. Ang mga temperatura na nasa pagitan ng 42°C hanggang 51°C ay maituturing na nasa ‘danger level’.

Maaaring magkaroon ang mga tao ng heat cramps, heat exhaustion, at maging ng heat stroke sa labis na pagkabilad sa init ng araw.

Kabilang sa mga lugar na may posibilidad ng mataas na heat index ay ang National Capital Region, Batac, Ilocos Norte; Aparri, Cagayan; Aborlan, Palawan; Iloilo City, Dumangas, Iloilo; Butuan City na pawang nasa 42°C; Dagupan City, Pangasinan at Catarman, Samar na parehong nasa 43°C.

Kaugnay nito, pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na bawasan o iwasan ang mga outdoor na gawain, uminom ng maraming tubig, magdala ng payong at sombrero, magsuot ng maluluwag na damit, at hangga’t maaari ay manatili sa mga lugar na may lilim.

Ipinapayo rin ng PAGASA sa mga netizens na iwasan ang pag-inom ng mainit na inumin tulad ng tsaa, kape, soda, at alak, dahil ito ay maaaring magdagdag sa init ng katawan.

Patuloy na mag-ingat at sundin ang mga payo ng PAGASA upang maiwasan ang mga epekto ng matinding init ng panahon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.