PAGASA: Walang LPA pero ITCZ at Amihan magdadala ng ulan at thunderstorm

0
203

MAYNILA —Magdadala ng maulap na kalangitan, pag-ulan, at mga thunderstorm sa ilang bahagi ng bansa ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na nakaaapekto sa Palawan, Visayas, at Mindanao, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Miyerkules.

Sa 4 a.m. public weather forecast para sa Oktubre 29, sinabi ng PAGASA na ang northeast monsoon o Amihan naman ay nakaaapekto sa pinaka-hilagang bahagi ng Luzon.

Nilinaw ng ahensya na walang namamatyagang Low Pressure Area (LPA) o bagyong namumuo sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa ngayon.

Makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at thunderstorm ang Eastern at Central Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, Northern Mindanao, Caraga, Masbate, at Sorsogon dahil sa epekto ng ITCZ.

Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pansamantalang pag-ulan o thunderstorm naman ang inaasahan sa Palawan, gayundin sa natitirang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Sa kabilang banda, makararanas ng maulap na kalangitan na may mga pag-ulan ang Batanes at Babuyan Islands bunsod ng Amihan.

Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may paminsan-minsang pag-ulan o thunderstorm dulot ng Easterlies.

Samantala, katamtaman hanggang malakas na hangin at moderate hanggang maalon na karagatan ang mararanasan sa extreme Northern Luzon, habang mahina hanggang katamtamang hangin at banayad hanggang katamtamang dagat naman sa Visayas, Mindanao, at natitirang bahagi ng Luzon.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo