Pagbubukas ng klase ng 738 schools, naantala dahil sa pinsalang dulot ng habagat at bagyong Carina

0
199

MAYNILA. Maaantala ang pagbubukas ng klase ng 738 pampublikong paaralan sa apat na rehiyon ng bansa, na itinakda sa Hulyo 29 (Lunes), ayon sa Department of Education (DepEd). Ang pagkakansela ay bunsod ng malawakang pinsalang dulot ng Habagat at bagyong Carina.

Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, hindi niya pipilitin ang mga paaralan na magbukas ng klase kung hindi pa ito handa. Sa kaniyang post sa X noong Biyernes, binanggit niya ang datos mula sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na nagpapakita ng na-miss na 53 araw ng pagtuturo mula sa 180-araw na school year noong nakaraang taon, dulot ng mga weather-related events.

Mula sa datos ng disaster risk reduction and management service ng DepEd na ibinahagi noong Biyernes, aabot sa 246 paaralan ang binaha dahil sa bagyo at habagat, habang hindi bababa sa 64 na paaralan ang kasalukuyang ginagamit bilang mga evacuation center.

Sa kabila ng sitwasyon, inihayag ni Angara na ang mga paaralang hindi naman naapektuhan ng malaki ay maaari pa ring magpatuloy sa nakatakdang petsa ng pagbubukas. “Hindi ako magdedeklara ng postponement ng mga klase upang payagan ang mga paaralan na may minimal hanggang zero na pinsala na magpatuloy gaya ng nakatakda,” pahayag ni Angara.

Noong Hulyo 25, iniulat na 90 paaralan ang napinsala at kakailanganin ng halagang P630 milyon para sa kanilang pagsasaayos.

Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hanggat maari, dapat magpatuloy ang pagbubukas ng klase sa Hulyo 29, kahit alam niyang may mga paaralan na hindi magagamit. “As much as possible. Hangga’t maari. If the school buildings are in a condition to take classes, they will do it. Pero meron pa talaga na kakaunti na lang ‘yung may tubig pero marami naiwan na putik, hindi magamit. Tapos may nasira na gamit, We’d have to replace them,” sabi ng Pangulo.

Dagdag pa niya, “Gawin nyo ang lahat. Buksan nyo, ang pagpasok gawin nyo hangga’t maaari, kung kaya nyong buksan. That’s the usual ano, hangga’t maaari, open the schools and conduct classes. There are areas na hindi talaga pwede.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.