Pagdating ni #MarcePH, pinaghahandaan ng pamahalaan; Nawawalang barko sa Palawan hinahanap pa rin ng PCG

0
82

MAYNILA. Nagsagawa ng pagpupulong ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo ng umaga, Nobyembre 3, upang tiyakin ang kahandaan ng mga local at regional na operasyon sa pagtugon para sa posibleng epekto ng paparating na masamang panahon. Ang naturang pagtitipon ay bahagi ng masusing paghahanda laban sa epekto ng tropical depression na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa mga susunod na araw.

Ang nasabing low-pressure area, na kasalukuyang nasa labas pa ng PAR, ay huling namataan sa 1,350 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Sa oras na pumasok ito sa loob ng PAR, papangalanan itong bagyong “Marce.”

Pinangunahan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr., na nagsisilbi ring chairman ng NDRRMC, ang pagpupulong kasama ang mga pangunahing opisyal mula sa Office of Civil Defense (OCD), kabilang sina Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, at Assistant Secretary Jekereen Joy Casipit. Kasalukuyang mahigpit na nakamonitor ang DND, OCD, at iba pang miyembro ng NDRRMC upang tiyakin na ang mga kinakailangang hakbang para sa kaligtasan ng komunidad ay naipatupad.

Ayon sa pahayag ng OCD, “The NDRRMC urges all citizens to stay informed and heed official advisories as the situation develops. The council remains committed to safeguarding lives and properties across the nation.”

Patuloy pa ring umaasa ang ilang bahagi ng Luzon, kabilang ang Batangas at Bicol Region, mula sa epekto ng Severe Tropical Storm Kristine. Samantala, ang Super Typhoon Leon naman ay nagdulot ng matinding pinsala sa hilagang Luzon, partikular sa probinsya ng Batanes noong nakaraang linggo. Nito lamang Oktubre, naranasan din ng Batanes ang pananalasa ng Super Typhoon Julian.

Paghahanap sa Nawawalang Barko sa Palawan, Pinaigting ng PCG

Sa isa pang balita, pinaigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search and rescue operations para sa nawawalang barkong MV Sta. Monica na huling namataan sa karagatan sa pagitan ng Taytay, Palawan, at Paluan, Occidental Mindoro. Nagsagawa ng aerial search ang BN Islander ng PCG mula sa Silangan ng Taytay hanggang San Jose at Paluan, ngunit wala pa ring positibong resulta sa paghahanap.

Ayon sa PCG, ang barko ay patungo sanang Casian, Taytay, Palawan upang magkanlong mula sa masamang panahon noong Oktubre 22, ngunit hindi na ito makontak mula Oktubre 27. Ayon sa ahensya, sampung crew kasama ang kapitan ng barko ang patuloy na hinahanap at wala pa ring komunikasyon mula sa kanila.

Nakikipagtulungan na ang Coast Guard District Palawan sa Coast Guard District – Southern Tagalog at iba pang regional units upang mas mapalakas ang search and rescue efforts. Patuloy ang operasyon sa pamamagitan ng aerial, seaborne, at shoreline patrols, na muling nagpatibay sa pangako ng PCG na hanapin ang nawawalang barko at masigurong ligtas ang mga sakay nito.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.