Pagpapakumbaba, kailangan sa pag-unlad ng sarili at lipunan

0
692

Bawat isa’y may pagtawag mula sa Diyos. Tinawag ang iba upang maging pangulo. May nagsisilbi sa amo pero hindi sa lahat ng pagkakataon, ganoon ang kalagayan ng dalawa. Merong mahirap at mayaman, at hindi rin laging ganoon ang sitwasyon. Sinumang nanalo, sumabak at sumasabak din sa pagkatalo. May malakas, may mahina, may nanghihina, may lumalakas. Isa lang ang tema ng mga paghahalintulad at pagkakaiba: halaga ng buhay.

Sa oras na makakita ng liwanag sa unang pagkakataon ang tao nang maipanganak siya, napapaisip ang iba sa kanya kung ano ang mararating niya sa buhay. Sa hustong gulang niya, siya na mismo ang mag-iisip at magnanais na may marating sa buhay. Yugto na rin ito ng pagkakapanday sa kanyang kasanayan at karunungan. Makaranas man ng kasaganaan o kapighatiaan, Diyos ang kumukontrol nito. Gayunpaman, nasa tao ang desisyon kung magpapakontrol siya sa Dakilang Lumikha. Maiging dakilain Siya at sumangguni sa Kanya dahil kung hindi, ang kaligayahan sa buhay ay maaaring hindi mahanap o hindi magiging kumpleto.

Kung nasa puso nating magtagumpay sa anumang larangan, nangangahulugang nasa puso natin Siya. Siya ang Diyos ng katagumpayan. Siya ang magkakaloob ng dunong, ng tapang sa pagharap sa pagsubok, ng kasanayan. Lahat ng ito’y pagpapatibay ng pagpapakumbaba ng tao sa Diyos, sa halip na pagpapakumbaba ng tao sa kanyang kapwa. Maaari kasing sa kung anumang kadahilanan, hindi makita ng tao ang pagpapakumbaba ng kanyang kapwa. O kaya nama’y pakitang tao lamang ito. Kaya, inuulit natin, nagpapakumbaba ang tao dapat sa Diyos sa halip na sa tao. Tinuruan din ang taong manalangin ng “patawarin mo kami sa aming mga sala gaya ng pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin. (“Ama Namin” ni Kristo)

Sa pagharap ng tao sa relasyon sa kapwa, nasusukat ang relasyon niya sa Pinakamakapangyarihan sa lahat. Diyos ang nakababatid ng lahat, bagamat nakatutulong ang sukatan ng tao.

Mahal Niya ang sanlibutan (Juan 3:16). Anak ng Diyos ang huwaran tuloy ng pagmamahal. Nasa Kanya rin ang katuruan ng pagpapakumbaba. Sa pamamagitan Niya, mararanasan ang buong ligaya. Kung naisin ng puso ng tao ang pag-unlad ng sarili, maibibigay ito. Susunod naman ang panghihikayat Niya na magpagamit ang tao para umunlad din ang kanyang kapwa o miyembro ng pamilya o pareho. Sadyang Diyos ang nagbibigay ng liwanag at Siya ang nagbibigay ng impresyon sa tao kung paano gagalawan ang lipunan. Ang kapakumbabaan ng malalayang lipunan gaya ng Pilipinas ay may pagtitiwalang walang mararating ang lipunan maliban sa tulong Niya kaya naman sa Saligang Batas, hindi pangulo ang pinakamakapangyarihan. Ang mga pinuno at mga pinamumunuan ay humihingi ng tulong (“imploring the aid of Almighty God”). Sumusumpa rin ang mga taong gobyerno na kasihan nawa sila (“So help me God.”

Kaya ba ng taong humiling sa Diyos na tulungan siyang pumatay, magnakaw, magsinungaling? Babagsak sa sukatan ng tao ang kanyang pagpapakumbaba. Kung nagkasala, handa siya dapat harapin ang katotohanang taong nilalang lamang siya at mapapatawad siya kung hihingi siya ng tawad mula sa Diyos at sa kapwa. Kung hindi, maliwanag na mapagmataas siya at hindi ito kalooban ng Diyos.

Marami nang pagmamataas ng tao sa kasaysayan ang itinama at pinarusahan. Paulit-ulit lamang ang pagdadahilan ng tao, samantalang parati namang matapat ang Diyos sa kabila ng kawalan ng katapatan o kakulangan sa Kanya ng tao.

Lumalalang sigalot ng mga bansa. Pandemya. Katiwalian. Patayan. Culture of impunity o walang habas na paggawa ng kasamaan pero walang akawntabilidad o hindi napapananagot ng batas. Kahirapan at tila kawalan ng inklusibong pamamaraan sa pagpapaunlad, sa edukasyon, sa kalusugan ng mga mamamayan at iba pa. Ang lahat ng ito’y nasa pagkumpas ng kamay ng Diyos upang maisapuso ng tao ang kanyang pagpapakumbaba. Huwag makalimot.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.