MAYNILA — Pinahintulutan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalabas ng 2025 Productivity Enhancement Incentive (PEI) sa pare-parehong halagang P5,000 para sa bawat kuwalipikadong empleyado ng pamahalaan, ayon sa inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa Circular Letter 2025-13 na inilabas noong Disyembre 17, ipinaalam ng DBM sa lahat ng pinuno ng mga departamento, ahensiya, local water districts, local government units, state universities and colleges, at government-owned or -controlled corporations ang awtorisasyon sa pagkakaloob ng insentibo.
Ayon sa DBM, maaaring ipalabas ang PEI simula Disyembre 15, 2025, alinsunod sa Budget Circular No. 2017-45, na nagtatakda ng mga patakaran sa pagbibigay ng PEI sa mga eligible government workers.
Saklaw ng insentibo ang civilian personnel, maging regular, casual, o contractual in nature, appointive o elective, full-time o part-time, pati na ang military at uniformed personnel, batay sa umiiral na guidelines.
Ang PEI ay bahagi ng Performance-Based Incentive System (PBIS) na naglalayong palakasin ang productivity, accountability, at pagtupad sa mga target ng mga ahensiya ng gobyerno. Ang eligibility sa performance-based allowances at bonuses sa ilalim ng PBIS ay tinutukoy sa pamamagitan ng Results-Based Performance Management System (RBPMS).
Gayunman, ang implementasyon ng PBIS at RBPMS ay nasuspinde kasunod ng pagpapalabas ng Executive Order 61 noong Hunyo 2024. Matapos nito, bumuo ang pamahalaan ng isang Technical Working Group upang rebisahin at gawing mas simple ang performance management at incentive framework.
Upang patuloy na i-promote ang productivity at hikayatin ang pagkamit ng performance targets, pinahintulutan ni Pangulong Marcos ang DBM na maglabas ng mga panuntunan para sa pagkakaloob ng 2025 PEI.
Ayon sa ulat, umaayon ang PEI sa Congress Joint Resolution No. 4 na inilabas noong 2009, na nagbibigay-diin sa performance-based scheme na kumikilala at nagbibigay-gantimpala sa mga natatanging lingkod-bayan at high-performing agencies.
Idinagdag pa na ang insentibo ay bahagi ng Total Compensation Framework at nakapaloob sa Personnel Services items na ipalalabas sa ilalim ng General Appropriations Act for 2025, alinsunod sa National Budget Circular No. 595.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





