MAYNILA. Umugong ang usapin ng posibleng pagpapalit ng liderato sa Mababang Kapulungan kasabay ng pagbubukas ng sesyon ngayong Setyembre 17 o sa mga susunod na araw.
“Baka, it’s possible,” ayon kay Navotas City Rep. Toby Tiangco nang tanungin ng media tungkol sa posibilidad ng pagbabago sa liderato.
Ayon sa ilang insiders, ito umano ang dahilan kaya ipinatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Speaker Martin Romualdez sa Malacañang, na sinamahan ni House Majority Leader at Presidential Son Sandro Marcos.
Batay sa mga sources, kabilang sa mga opsyon na tatalakayin kung mananatili si Romualdez sa puwesto, pansamantalang magli-leave at magtalaga ng Acting Speaker, o tuluyang magbitiw sa tungkulin.
Nauugnay ang isyu sa nabunyag na umano’y malawakang katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH), partikular sa mga ghost flood control projects, na sinasabing umabot na sa trilyong piso sa loob ng ilang taon.
Napansin din ang maagang pagsususpinde ng mga sesyon sa Kamara nitong mga nagdaang araw, na nagpatindi pa sa espekulasyon ng pagbabago sa liderato.
Ilan sa mga lumulutang na pangalan bilang kapalit ni Romualdez ay sina Isabela Rep. Faustino Dy ng Federal ng Pilipinas, House Deputy Speaker Ronnie Puno, Bataan Rep. Albert Garcia, at Rep. Jay-Jay Suarez ng Lakas-CMD.
Samantala, iminungkahi ni Tiangco ang pangalan ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez bilang isa pang posibleng kandidato para sa Speakership.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





