Pagpapatupad ng SRP sa bigas, binalak ng DA upang pababain ang presyo

0
714

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas, inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) nitong Sabado, Enero 6, na iniisip nila ang pagpapataw ng suggested retail prices (SRPs) sa mga produkto ng bigas.

Ayon kay DA spokesperson Asec. Arnel de Mesa sa isang interview sa radyo, layunin ng mga SRP na tiyakin na mananatili ang presyo ng bigas sa abot-kayang halaga para sa mga mamimili sa buong bansa.

Sa ngayon, nagsasagawa na ang DA ng mga konsultasyon sa mga partners sa industriya at mga stakeholders. “Hindi ka puwede basta mag-issue ng SRP without doing the consultations with all the stakeholders, from the consumer groups, producer groups, ganoon din sa traders and millers, lahat sila ay dapat nakokonsulta sa pagtatakda ng suggested retail price (SRP),” ayin kay De Mesa,

Ang pahayag ng DA ay kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang rice inflation ay umakyat sa pinakamabilis nitong rate sa loob ng 14 na taon noong Disyembre.

Ito ang pinakamabilis na inflation print para sa food staple mula noong Marso 2009, kung saan umakyat ang rice inflation sa 22.9%.

Sinabi ni De Mesa na ang pagtatakda ng SRP ay nakasalalay sa iba’t ibang kadahilanan at ito ay dadaan sa pagsusuri bago ito ipinal at isapubliko.

Batay sa datos ng PSA, ang average na pambansang presyo ng regular milled rice noong Disyembre 2023 ay umabot sa P48.50 kada kilo mula sa P46.73 noong Nobyembre 2023, at mas mataas kumpara sa P39.63 kada kilo noong Disyembre 2022.

Para sa well-milled rice, ang presyo kada kilo noong Disyembre 2023 ay P53.82, na mas mataas kaysa sa P51.99 kada kilo noong Nobyembre ng nakaraang taon. Taon-taon, tumataas ng halos P10 ang presyo ng rice class, ito ay naging P43.98 kada kilo noong Disyembre 2022.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo