CABUYAO CITY, Laguna. Pumalo na sa lima ang bilang ng mga nasawi habang sampung tao naman ang sugatan matapos sumabog ang isang pagawaan ng paputok sa lungsod na ito, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO)-4A public information office chief Lt. Col. Chitadel Gaoiran, kinilala ang mga nasawi na sina Marvin Lamela Ocom, 27; Bebot Reymundodia, 44; Ricardo Olic-Olic, 51; Mylene Tarapidio at John Ronald Gonzales Deduro, 23.
Ang mga nasawi ay dinala sa iba’t ibang ospital ngunit binawian ng buhay habang tinutukan ng lunas dahil sa matinding sunog na tinamo.
Samantalang, ang mga sugatan ay dinala sa Ospital ng Cabuyao, Saint James Hospital, at PGH Hospital para sa agarang medikal na atensyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang malakas na pagsabog bandang alas-3:30 ng hapon sa Diamond Fireworks Inc. factory sa Purok 3, Brgy Bigaa, na nagdulot ng malaking sunog. Agad itong kumalat sa buong pagawaan hanggang sa mapatay ng mga bumbero ang apoy bandang alas-4:46 ng hapon kahapon.
Habang isinusulong ang pagsisiyasat, iniuugma pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng pagsabog.
Ayon sa mga ulat, hindi ito ang unang pagkakataon na nasunog ang naturang pabrika ng paputok, ngunit sa naunang kaganapan, walang naitalang casualty.
Ang pagawaan ng paputok ay pagmamay-ari ng pamilya Lebrilla at Aquino, at ito ay kilala sa industriya ng paggawa ng paputok sa loob ng dalawang dekada.
Kaugnay nito, nagpahayag ng suporta, nagbigay tulong ang Mayor ng Cabuyao na si Dennis Hain sa mga pamilya ng mga nasawi at sugatan. Tiniyak niya ang patuloy na tulong mula sa pamahalaang lokal para sa agarang paggaling ng mga biktima.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.