Pagsirit ng presyo ng bilihin, nakaamba dahil sa 17% taripa ng US sa Pilipinas

0
53

MAYNILA. Nakaamba ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa matapos ipahayag ni US President Donald Trump ang pagpapataw ng 17% na taripa sa mga kalakal na mula sa Pilipinas, na magsisimula sa Abril 9.

Ayon kay Trump, ang hakbang na ito ay bahagi ng kanyang layunin na palakasin ang posisyon ng Estados Unidos sa pandaigdigang ekonomiya at protektahan ang mga manggagawang Amerikano. Ang taripa ay bahagi ng malawakang patakaran na tinawag niyang “Liberation Day.”

Ang 17% na taripa ay mas mababa kumpara sa 34% na ipinapataw sa mga produktong pumapasok sa bansa mula sa Amerika. Batay sa listahan na ipinost ni Trump sa Truth Social, mas mababa ang taripa ng Pilipinas kumpara sa mga kalapit bansa sa Southeast Asia tulad ng Vietnam (46%), Thailand (36%), Indonesia (32%), Malaysia (24%), at Cambodia (49%). Tanging Singapore lamang ang pinatawan ng 10% taripa.

Dahil dito, hinimok ni Senate President Chiz Escudero ang mga economic manager ng gobyerno na maghanda para sa epekto ng taripang ito sa mga export ng Pilipinas. “What are the pains and what are the gains, if any, that we should expect? Will it be an economic earthquake that will shake our economy to its foundations? Or will it just be a slight tremor that will not cause any harm?” ani Escudero.

Ayon kay Escudero, kinakailangan ng gobyerno na linawin kung ano ang magiging epekto ng taripa sa bansa, dahil malamang na magdulot ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Isa sa mga halimbawa na binanggit ni Escudero ay ang soybean na inaangkat ng Pilipinas mula sa Estados Unidos, na ginagamit sa pagpapakain sa mga lokal na magbababoy at mag-aalaga ng manok. Posible aniyang tumaas ang presyo ng mga produktong ito dahil sa pagtaas ng taripa.

“Ibig sabihin nito ay tataas at magmamahal din ang bilihin because $1 in every $6 of the country’s export earnings comes from our trade with the US,” dagdag pa ni Escudero.

Ang mga eksperto ay nag-aabang kung ang mga hakbang ng Estados Unidos ay magkakaroon ng malalim na epekto sa ekonomiya ng Pilipinas at kung paano ito magiging sanhi ng pagbabago sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.