Pagsugpo ng HFMD outbreak sa Batangas hinihiling sa DOH

0
247

San Pascual, Batangas. Humingi ng tulong si Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro sa Department of Health (DOH) upang masugpo ang paglaganap ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) sa mga mag-aaral sa ilang barangay sa San Pascual, Batangas.

“Kami ay nanawagan kay Department of Health OIC Secretary Ma. Rosario Vergeire na bigyang pansin ang outbreak na ito. Alamin sana ng DOH ang pinagmulan nito. Sana ay makatulong sila upang agad itong masawata. Ito ay upang hindi na kumalat sa iba pang mga bayan at mapagpatuloy na ang naudlot na naman na pag-aaral sa mga eskwela,” ayon sa statement ni Luistro na ipinadala sa media.

Ipinalabas ng baguhang lawmaker ang panawagan matapos m ahawaan ng HFMD ang humigit-kumulang 100 bata sa bayan ng San Pascual.

Dahil sa outbreak, naglabas ng executive order si San Pascual Mayor Antonio Dimayuga na nagdeklara ng suspension ng klase mula Oktubre 18 hanggang 21 para sa mga batang pupunta sa Day Care hanggang Grade 3 sa walong barangay na lubhang naapektuhan ng outbreak.

Sinabi ni Luistro na ang HFMD ay maaaring hindi kasing lubha ng Covid-19, ngunit ang sakit na ito ay lubhang nakakahawa – tulad ng nakikita sa San Pascual kung saan ang mga kaso ay lumobo sa loob lamang ng ilang araw – at maaaring magdulot ng mga komplikasyon na maaaring magresulta sa kamatayan.

Ang HFMD ay isang nakakahawang sakit na karaniwan sa mga bata, at sa pangkalahatan ay kumakalat sa pamamagitan ng direktang kontak sa mga secretions, tulad ng laway, mula sa mga taong nahawahan. Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, masakit na mga sugat sa bibig, pantal at paltos sa mga kamay, paa at pigi. Gayunpaman, sa pambihirang mga kaso, maaaring mangyari ang mga komplikasyon tulad ng viral meningitis, encephalitis at paralysis.

Samantala, sinabi ni Luistro na nagpadala na ang kanyang tanggapan ng tulong sa mga pamilya ng mga nahawahang bata habang naghihintay ng aksyon mula sa DOH.

“Lalo na sa mga panahong ito, napakabigat ang magkaroon ng panibagong dagok na nangangahulugan ng karagdagdang gastusin at pasakit. Kaya ang aming tanggapan ay agad na nagparating ng tulong sa mga pamilya ng mga nagkasakit,” ayon kay Luistro.

Samantala, nagsimulang mag imbestiga ang DOH ang mga kaso ng HFMD sa Batangas

Sinabi ng mga health officials na ang kakulangan ng kaalaman at pag-unawa ng mga magulang ay maaaring nag-ambag din sa pagkalat ng virus. Ito ay habang patuloy na inaalam ng DOH ang pinagmulan ng outbreak.

Ang mga materyales sa pag didisimpekta ay ipinamahagi na sa mga apektadong lugar. Binibigyang-diin ng DOH ang kahalagahan ng kalinisan ng kamay upang maiwasan ang paghahatid ng iba’t ibang uri ng sakit.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.