Pagsuko sa KIG katumbas ng pagsuko sa Pilipinas – Lacson

0
218

MAYNILA – Iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Sabado na ang anumang mungkahi na “isuko” o i-give up ang Kalayaan Island Group (KIG) sa ibang bansa, lalo na sa China, ay katumbas ng pagsuko sa buong Pilipinas, partikular sa soberanya at teritoryal na integridad ng bansa.

Sa kanyang post sa X (dating Twitter), binanggit ni Lacson na ayon sa international law, partikular sa lexicon ng res nullius o terra nullius, ang “first discovery and possession” ng kung kung sino ang unang makadiskubre sa isang pook na walang nakikitang may-ari ay isang kinikilalang paraan ng sovereign ownership, na siyang legal na batayan kung bakit pag-ari ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group.

“Giving up the Kalayaan Island Group (KIG) is no different from giving up Luzon Island or the entire country,” paliwanag ni Lacson.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasunod ng mungkahi ni Senador Rodante Marcoleta noong nakaraang linggo sa isang pagdinig ng Commission on Appointments na igiit na i-give up na lamang ang KIG dahil “labas daw ito sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ).” Ayon kay Lacson, hindi niya ito matanggap lalo’t may matibay na batayan at aktibong Filipino civilian community sa Pag-asa Island, na bahagi ng KIG.

Ang Kalayaan Island Group ay isang munisipalidad sa lalawigan ng Palawan na binubuo ng pitong isla at tatlong reef o shoals sa West Philippine Sea, kabilang dito ang Pag-asa (Thitu Island), Likas (West York), Parola (Northeast Cay), Lawak (Nanshan), Kota (Loaita), Patag (Flat Island) at Panata (Lankiam Cay) pati na ang Ayungin Shoal, Balagtas Reef, at Rizal Reef.

Ang munisipalidad ay itinatag noong Hunyo 11, 1978 sa bisa ng Presidential Decree No. 1596 ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at kasunod nito ay nilinaw ng Republic Act 9522 noong 2009 ang archipelagic baselines ng Pilipinas na kinikilala ang soberanya ng bansa sa Kalayaan at iba pang bahagi ng West Philippine Sea.

Sa kabila ng maliit na sukat ng lupa na humigit-kumulang 88.44 hectares ang pinagsamang teritoryo ng mga isla, ang Kalayaan ay sumasaklaw sa napakalawak na territorial jurisdiction na halos 64,976 square miles ng karagatan ng mayamang katubigan.

Ang Pag-asa Island ang puno ng buhay at sentro ng administrasyon ng Kalayaan at tanging pook sa KIG na may permanenteng sibil na pamayanan ng mga Pilipino. Kasalukuyang may humigit-kumulang 200–300 residente na nakatira sa ilang dosenang bahay at mga imprastruktura gaya ng municipal hall, health center, integrated school, police at coast guard stations.

Mayroon ding airstrip na 1.3 kilometro at masasabing ito ay isang strategic location dahil ito ay halos 280 nautical miles mula sa Puerto Princesa City, Palawan. Sa mga nakalipas na taon, pinalalakas ng pamahalaan ang imprastruktura sa lugar, kabilang ang mga proyekto sa paliparan at shelter port upang suportahan ang maritime operations at seguridad sa nasabing pook.

Hindi maikakaila ang lumalalang tensiyon sa paligid ng West Philippine Sea, kung saan ang Pilipinas, China, Malaysia, Vietnam, at iba pang bansa ay may magkakapatong na pag-angkin sa ilang bahagi ng Spratly Islands. Sa kabila ng mga ginagawang aktibidad ng mga banyagang barko, iginiit ng Department of Foreign Affairs at lokal na pamahalaan ang legal at mapayapang pagpapatupad ng soberanya ng Pilipinas sa lugar alinsunod sa UNCLOS 1982 at 2016 South China Sea Arbitral Award.

Para sa mga residente at lokal na lider sa Kalayaan, ang kanilang pamayanan ay hindi lamang simpleng pook sa dagat kundi simbolo ng karapatan ng bansa at tahanan ng mga Pilipino. Ang mga suhestiyon ng pagsuko ng KIG ay tinutulan din ng iba pang sektor na naninindigan sa pagpapatuloy ng presensya ng Pilipinas sa teritoryong ito.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.