Pagsulong ng impormasyon at teknolohiya, pagpapahusay sa kasanayan sa pagsusulat

0
402

Ang akala ng marami, makalulusot na sila sa kawalang kasanayan sa pagsusulat dahil sa makabagong ICT pati na rin sa bagong labas na AI. Anila, puro visual na ngayon at ang mga gustong makasagap ng balita ay sa mga video na lang sa social media nanonood o kaya naman ay sapat na raw sa kanila ang mga one- liner na balita doon. Pero mabilis din ang pangyayari, natanggap din nilang nabibiktima sila ng mga ganyang estilo ng pagbabalita, kabilang yung click bait. Pero teka. Hindi ba’t kasanayan sa pagsusulat ang iniiwasan kaya baka uubra pa rin iyon? Maa-afford ang patiha-tihaya kung gagamit daw ng information and communication technologies at ng mas pinatinding artificial intelligence. Konting basa, konting sulat ay okey na raw.

Magsuri tayo: Totoong walang alternatibo sa pagbabasa. Kung yun ngang mga bulag ay nagpupumilit magbasa, paano pa makaiiwas sa basa’t sulat ang mga normal na may paningin? Malinaw na isang pangangailangan sa pag-unlad ang kasanayan sa pagsusulat. Hindi natin tinutukoy dito ang kasanayan na meron sa mga mamamahayag, mga may-akda, mga abugado’t huwes, mga eksperto sa komunikasyon, kundi yung simpleng kasanayan sa pagsusulat lamang.

Hindi lang tagabasa ng liham ang tao dahil siya man din ay nangangailangang sumagot sa liham. Hindi lang outline of study, syllabus, at module ang kailangan ng mag-aaral sa kanyang propesor dahil siya man din ay magpapasa ng mga sulatin at kadalasan, babasahin kung paano ang mga ito winawasto at meron pang babasahing reaction/feedback/recommendation mula sa propesor. Hindi lang tagabasa ng manual ang mamimili dahil kung kaya niyang gawin ang produkto at serbisyo, gagawa na rin siya ng sariling manual na kailangan sa bagong bukas niyang negosyo. Hindi lang laro nang laro sa liga ang basketbolistang Pinoy dahil dadating din ang panahon ng pagbagal, paghina ng tuhod, at siya naman ang magpapaliga na merong susulating house rules kasi naman ay hindi sapat ang FIBA rules.

Hindi lang sapat ang dumikit-dikit sa magaling na abogado. Sadyang marami nang mababasang magagandang legal advice at opinyon na paborito ng mga indigent, si long-time Public Attorneys Office (PAO) Chief Persida Acosta, pero ikaw rin ang mapapaano kung sakaling panay ang pagbatay mo sa kanyang mga nasusulat.

Kahapon, unanimous ang desisyon ng mga mahistrado ng Korte Suprema sa isang pagkontrang ginawa ni Acosta. Heto ang mababasa natin mula sa Chief Public Attorney ilang linggo pa lamang ang nakararaan: “Sa pangyayaring ito, malinaw na makikita na hindi dapat humawak ng isang kaso na may conflict of interest ang sinumang abogado – maging pribado man o hindi. Kaya patuloy na nagmamakaawa at nakikiusap ang buong PAO lawyers at staff sa ating mahal na Supreme Court na sana ay huwag nang ipairal ang Section 22, Canon III ng Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) kung saan ang PAO lamang ang puwedeng humawak ng may conflict of interest na mga kaso, ngunit ang private lawyers ay hindi puwede.”

“(P)atuloy namin itong ipinagdarasal dahil kapag nagpatuloy na ang PAO ay hahawak ng mga kasong may conflict of interest sang-ayon sa nabanggit na probisyon ng CPRA, malalagay sa panganib ang buhay ng public attorneys, kabilang na ang pumanaw na mahal nating public attorney na si (minarapat ko nang huwag pangalanan)… Ito ay bahagi na ng ating sinumpaang tungkulin bilang mga lingkod bayan bunsod na rin sa kadahilanang hindi tayo dapat mamili ng mga taong ating tutulungan. Ngunit hindi isang kalabisan ang paghingi ng tulong sa pamamagitan ng legal na pamamaraan na ang panganib na ito ay maiwasan.

Dapat din nating ikonsidera ang kaligtasan ng ating mga manananggol, sapagkat sila rin ay may mga pamilyang nangangailangan ng kanilang kalinga. Alam kong sumasang-ayon dito si Atty. (XXX), isang bayaning public attorney.” Iyan at iba pang pasulat na patutsada ni Acosta sa Kataas-taasang Hukuman ang tila dahilan para pagpaliwanagin siya kung bakit hindi siya dapat disiplinahin ng korte bukod pa sa pinatikim sa kanyang pagkatalo sa 15-0 desisyon.  (Source: https://twitter.com/SCPh_PIO/status/1678933412478853120) Philippine Supreme Court Public Information Office on Twitter

May pag-iingat dapat sa pagsusulat at sa lahat ng larangan. Inaasahan sa mataas na opisyal ng pamahalaan ang kahinahunan – wala ka nito kung puro ka bira sa social media at pahayagan – at pagtalima sa Saligang Batas lalo sa mga katulad ni Acosta, pero tila hindi niya nabasa nang maigi ang mandato ng PAO at ang pangunahing karapatan ng mga mahihirap na mabigyan ng libreng abogado sa pag-aakalang merong conflict of interest na masyadong general ang kanyang pagkaunawa at hindi pumasa ang kanyang inaakalang specifics sa pagkontra niya sa isang bahagi ng pamantayang ipinatutupad ng Korte Suprema.

(Paalala: Huwag iparehas si Acosta sa abugadong natanggalan ng lisensya o na-disbar; malala naman iyon.) Sa hindi maayos na pagsulat ng mga argumento, si Acosta na Top 4 pa man din sa Bar Exam ay napagsasabihang huwag agad-agad magsulat kundi magbasa at magsaliksik muna. Anumang kasanayan ay dapat pinahahalagahan at kung maaari nga’y huwag sana itong pababayaang kalawangin ika nga. Kaya hindi pasang awa kundi bagsak, delikado sa buhay, at mahihirapang umunlad ang merong mentalidad na pwede na raw ang konting basa, konting sulat sa panahon ngayon. Lalabas ding hindi katiwa-tiwala ang walang nasusulat at sasabihing kapag pinagsalita na lamang ay marami nang masasabi.

Kung may argumento sa isip, ilahad nang pasulat. Kung may naisip, ipababasa pa rin ba ito sa isip? Utak ang magsasabing kailangan itong isulat. Nagbibigay-daan ito sa mas pinalawak na transparency at iba pang adbokasiya ng mga eksperto at mga institusyong pandaigdigan. Kamakailan, meron tayong nababalitaang matanda na, nag-Kindergarten pa at ang mga lolo at lola na nagsusumikap makatapos ng pag-aaral. Malinaw na hindi matatakasan ang patuloy na pagsusulat (at pagbabasa), dahil hindi rin tumitigil ang mundo sa pagbabago.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.