Pagtapyas ng pondo ng DepEd, banta sa digitization ng edukasyon

0
62

MAYNILA. Nagbabala ang Teachers Dignity Coalition (TDC) na maaaring madiskaril ang plano para sa digitization sa sektor ng edukasyon dahil sa P12 bilyong tapyas sa 2025 budget ng Department of Education (DepEd) na inaprubahan ng Kongreso.

Ayon kay Benjo Basas, chairperson ng TDC, “Matagal nang pangarap ng sektor ng edukasyon na maging computerized at digitized ang ating mga paaralan, ngunit tila mailap ito dahil sa kakulangan sa budget.”

Aniya, mahalaga na magkaroon ng internet connectivity ang lahat ng paaralan, habang dapat ding mabigyan ang mga guro at mag-aaral ng access at kasanayan sa paggamit ng makabagong teknolohiya. “Obligasyon ng pamahalaan na maglaan ng kinakailangang teknolohiya para sa mga paaralan,” dagdag pa niya.

Dismayado rin si Basas sa hindi pagkakatugma ng mga plano ng gobyerno at ng inilaan nitong budget para sa DepEd. “Laging sinasabi ng gobyerno na kailangan ng digitization at computerization program sa kabuuang sistema ng edukasyon, ngunit tila hindi ito nakikita sa budget na inilaan nila.”

Matatandaang kabilang sa mga tinapyas na pondo ay ang P10 bilyon na nakalaan sana para sa computerization program ng ahensya.

Samantala, nagpahayag din ng kalungkutan si Education Secretary Sonny Angara sa desisyong ito. Aniya, ang budget cut ay magdudulot ng malaking balakid sa mga guro at mag-aaral pagdating sa pag-access sa online learning at mga bagong teknolohiya sa edukasyon.

Patuloy na umaapela ang TDC at DepEd na maibalik ang pondo upang maisulong ang digitization ng sistema ng edukasyon at mapalapit ang bansa sa layunin nitong makipagsabayan sa makabagong teknolohiya sa pandaigdigang antas.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.