Pagtatatag ng Bulacan Ecozone, pinigilan ni Marcos

0
298

Hindi na matutuloy ang planong pagtatayo ng special economic zone at freeport sa Bulacan matapos i-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang batas tungkol dito.

Ipinaliwanag ni Marcos sa sulat na ipinadala niya sa tanggapan ng Se­nate President na hindi niya susuportahan ang enrolled bill dahil magdadala ito ng malaking panganib sa pananalapi ng bansa.

Binanggit din ni Marcos na kinikilala niya ang layunin ng panukala na palakasin ang lokal na ekonomiya nunit ayon sa kanya ay mayroon itong probisyon na magsanhi ng “substantial fiscal risks” sa bansa at salungat ito sa mandato at awtoridad ng ibang ahensya.

“While the administration recognizes the objective of the proposed measure to acce­lerate economic growth in its locality, I cannot support the bill consi­dering the provisions that pose substantial fiscal risks to the country and its infringement on the conflict with other agencies’ mandates and authorities” ayon kay Marcos.

Kabilang sa nakitang dahilan sa pagtutol ni Marcos sa enrolled bill ay ang kawalan ng audit provisions para sa Commission on Audit.

Pinuna din niya ang proseso para sa pagbabayad sa mga lupang masasakop ng econo­mic zone na binigay na sa mga benepisyaryo ng Agrarian Reform. Wala rin aniyang mas­ter plan para sa eco­nomic zone.

Ang balak na economic zone ay masyadong malapit sa Clark Special Economic Zone na labag sa polisiya ng gobyerno sa pagtatayo ng mga special economic zones sa mga strategic locations, ayon pa rin sa pangulo.

Sinabi ni Marcos na dapat magkaroon muna ng malalim na pag-aaral ang National Economic and Development Authority (NEDA) tungkol sa panukala na nakatakdang bumalik sa Kongreso.

Samantala, sinabi ni Senador Joel Villanueva noong Linggo na iginagalang niya ang pag-veto sa House Bill (HB) 7575 ngunit ayon sa kanya ay umaasa pa rin siya sa pakikipagtulungan sa bagong administrasyon at pagsusulong ng batas at mga patakaran na naaayon sa mga prayoridad ng Pangulo.(PNA)

Author profile
Gary P Hernal

Gary P Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.