Nagpahayag ng pagdududa ang Malacañang sa umano’y mga leaked na dokumento ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na tinawag nitong walang “probative value,” habang iginiit naman ni Batangas Rep. Leandro Leviste na authentic ang tinaguriang “Cabral files.”
Noong Huwebes, inilabas ni Leviste ang panibagong set ng mga dokumento na aniya’y ibinigay sa kanya ng yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral. Nilalaman umano ng mga ito ang buod ng alokasyon ng DPWH kada distrito, lalawigan, at rehiyon mula 2023 hanggang 2026.
Ayon kay Palace Undersecretary Claire Castro, nananatiling kuwestiyonable ang tinatawag na Cabral lists o DPWH leaks dahil wala umanong patunay na nagmula ang mga ito sa DPWH.
“Unless the documents come from DPWH, we could not give the alleged ‘Cabral files’ or any list from an unknown source any probative value. It is nothing but hearsay and can be treated as mere fabricated documents,” pahayag ni Castro.
Dagdag pa niya, wala ring makapagsasabi na ang mga proyektong nakasaad sa mga dokumento ay aktuwal na naipatupad.
Binigyang-diin ni Castro na nasa kampo ni Leviste ang burden of proof upang patunayan ang authenticity ng mga dokumento. “He has started bragging about them, so it is his responsibility to prove their authenticity… We are not even aware if what he is in possession of are mere altered or fabricated documents,” ani Castro.
Sa kabilang panig, iginiit ni Leviste na nakuha niya ang mga dokumento mismo mula kay DPWH Secretary Vince Dizon. Sa isang Zoom press conference, sinabi ni Leviste na mapapahiya umano si Castro kapag kinumpirma ni Dizon at ng iba pa ang authenticity ng mga file na kanyang inilabas.
“I got the documents after Usec. Cabral had a phone call with [DPWH] Secretary Vince. And I talked with Secretary Vince about this being released to the public. And Sec. Vince said he agrees,” ani Leviste. Dagdag pa niya, inaasahan umano niyang ilalabas ni Dizon ang mga dokumento noong Setyembre at ipapasa rin sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sa Office of the Ombudsman.
Sinabi rin ng mambabatas na naipakita na niya ang Cabral files sa ICI at sa Office of the Ombudsman noong Nobyembre, bago pa ang biglaang pagpanaw ni Cabral noong Disyembre 19.
“I showed the list to the ICI and the Ombudsman… So it should not be said why am I only doing this now after the death of Usec. Cabral,” paliwanag ni Leviste, na idinagdag na matapos nito ay nagkaroon ng panawagan na ilabas na ang mga dokumento at tuluyang naipasa sa Ombudsman.
Tinutulan din ni Leviste ang naunang pahayag ni DPWH Secretary Dizon na hindi umano pinahihintulutan ang mga mambabatas na magmungkahi ng mga proyektong popondohan sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) o ng panukalang national budget para sa 2026.
Bilang patunay, ipinakita ni Leviste ang screenshot ng isang Viber group chat na may petsang Hunyo 10, na umano’y ipinadala sa kanya ng House appropriations committee. Nakasaad dito ang paalala sa pagsusumite ng hard at soft projects para sa fiscal year 2026, kabilang ang alokasyong “P150 million infrastructure for district rep, P160 million infrastructure for party list rep, P30 million soft for district and party list rep.”
“Aminin na natin ang widely documented fact na bawat congressman ay pwedeng mag-insert ng P150 million sa NEP,” ani Leviste, sabay sabing siya mismo ay nagsumite ng mga proyekto na kalauna’y lumabas sa NEP, kabilang ang mga multi-purpose buildings para sa mga paaralan sa kanyang distrito.
Wala pang pahayag ukol dito ang panig ni House appropriations committee chairperson Mikaela Suansing kaugnay ng usapin.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






