Pamamahagi ng bivalent vax sisimulan sa Hunyo 21

0
166

Magsisimula na ng pamamahagi ng mga bivalent COVID-19 vaccine sa mga healthcare workers at mga senior citizen sa susunod na Linggo, ayon sa Department of Health (DOH). 

Gaganapin ang paglulunsad na ito sa pamamagitan ng isang seremonya sa Philippine Heart Center sa Quezon City sa Hunyo 21, na dadaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Naipadala na sa Pilipinas ang mahigit na 390,000 dosis ng bivalent COVID-19 bakuna mula sa Lithuania.

Kabilang sa mga kwalipikadong tatanggap ng unang yugto ng bivalent vaccine ang mga healthcare workers at senior citizen na tumanggap na ng pangalawang booster shot sa loob ng 4 hanggang 6 na buwan.

Hinikayat ng DOH ang mga Pilipinong nararapat na mabakunahan ng bivalent vaccines dahil ang mga ito ay modified na bakuna laban sa orihinal at Omicron strains ng virus.

“Kahit pa bumababa ang bilang ng COVID-19 positivity rate na 11.6 porsyento sa National Capital Region as of June 10, patuloy pa rin naming pinapayuhan ang lahat ng nararapat na indibidwal na magpabakuna dahil patuloy pa rin ang banta ng impeksyon,” ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa.

Binigyang-diin ng kalihim na ang mga bakuna ay napatunayang ligtas at epektibo, at ibinibigay ng libre.

Ang mga bivalent vaccine ay mage-expire sa Nobyembre 23.

Ayon sa pinakabagong datos ng DOH, mahigit sa 78.4 milyong Pilipino ang nabakunahan na laban sa COVID-19. Sa bilang na ito, mahigit na 23.8 milyon ang tumanggap ng unang booster dose habang halos 4.4 milyon ang nakatanggap ng pangalawang booster shot.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.