Pamilya ng sunog na bangkay ng OFW na natagpuan sa Quezon, dumulog na sa PRO4A

0
678

Camp Vicente Lim, Laguna. Dumulog sa Police Regional Office 4A (PRO4A) ang pamilya ng babaing OFW na natagpuang sunog na bangkay sa Infanta, Quezon kamakailan.

Ayon sa sinumpaang salaysay ni Renilla Cornejo, kapatid ng biktima, sa tanggapan ni PCol. Edwin Quilates, Deputy Regional Director for Operations PRO4A, ang biktima ay kinilalang si Renalyn Fulgencio Umali, 40 anyos na OFW, may asawa at residente ng Brgy. Baybayin, Los Banos Laguna.

Ang biktima ay natagpuan ng isang resort utility worker sa Brgy. Magsaysay, Infanta, Quezon noong Pebrero 10 at ipinagbigay alam kay Renilla noong Pebrero 10 matapos siyang manawagan sa social media tungkol sa nawawala niyang kapatid.

Ang bangkay ay nakitaan ng tama ng bala sa ulo at sunog ang katawan nito.

Ayon  sa salaysay ng kapatid ng biktima, huling nakitang buhay si Renalyn noong ika-9 ng Pebrero 9 habang patungo ito sa Alaminos. Laguna upang tagpuin ang ka-live in nito na si SSgt. Ronel.Aguilar na nakatalaga sa investigation division ng Laguna Police Provincial Office. Diumano ay nakakuha ang mga pulis ng kopya ng closed-circuit TV (CCTV)  kung saan ay nakitang magkasama sina Renalyn at Aguilar na pasakay sa isang  jeep noong Pebrero 9. 

Batay naman sa  sinumpaang salaysay ni Gng. Juanita Cornejo , 63 at ina ng biktima matagal na umanong may relasyon si Renalyn kay Aguilar at ayon sa kanya ay madalas mag-away ang dalawa partikular kapag humihingi  ng pera ang pulis sa OFW. 

Sinabi ng ina ng biktima na  malakas ang kanilang paniniwala  na may direktang kinalaman si Aguilar sa pagkamatay ng kanyang anak.

Nagpasyang dumulog sa PRO4 ang pamilya ng biktima sapagkat ayon sa kanila ay hindi gumalaw ang kaso sa Criminal Investigation and Detection Group ng Quezon.

Kaugnay nito,  ipinag-utos ni PCol. Quilates ang pagbuo ng isang Special Investigation team para sa masusing pagsisiyasat sa kaso at “upang panagutin ang sinumang pulis na sangkot sa karumal dumal na krimen.”

Iniutos din niya ang pagbibigay ng proteksyon sa pamilya ng biktima habang hindi pa nalulutsas ang kaso.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.