Pangarap ni Reina Mae Nasino at pag-alala kay Baby River

0
519

Sa edad na 23 taon, ang isang ina’y dapat panigan ng batas na magpasuso ng kanyang bagong silang na anak. Kung nakakulong ang ina sa wala pang hatol na kaso, dapat siyang panigan ng korte na pansamantalang palayain upang arugain niya nang husto ang bata. Hindi dapat patagalin ang kanilang paghihiwalay. Kung may sinasabing “justice delayed is justice denied”, mas masaklap naman sa kaso ng mag-ina ang “just..tiis hanggang gatas ay mapanis.”

Pinakamasaklap ito para sa sanggol. Kung isa lamang siyang kalikasan, tiyak na makakukuha ito ng pabor na writ of kalikasan mula sa korte. Ngunit para bang mayroon lubhang nakahahawang COVID-19 ang mga pulitiko at umabot ang paghawa nila sa hudikatura dahil sa kawalang common sense nito.

Libo libong persons deprived of liberty ang pansamantalang pinalaya ng Korte Suprema sa kalagitnaan ng 2020 dahil sa COVID-19 pandemic na nananalasa sa labas at loob ng mga kulungan. Kung bakit hindi kasama ang ina ni baby River noong isang araw pa lamang siya? O noong isang linggo pa lamang siya? O noong isang buwan pa lamang siya? O noong dalawang buwan pa lamang siya kahit nagiging sakitin na sa pangungulila sa magpapasuso sa kanya na walang iba kundi ang kanyang inang pwede namang pansamantalang palayain? Wala pa rin bang magaganap na pagpabor sa kaawa-awang sanggol kung pansamantalang palitan ang ina niya sa pangalang Imelda Marcos?

Baka sa ikatlong buwan ni River, may pag-asa na kayang mapalaya ang ina niya? Pero nabale-wala ang lahat ng pagpupunyagi ng abugada ng ina. Nabale-wala ang mga panawagan ng pagsuporta sa mag-ina.

Namatay na si River. Ang kanyang pamamalagi sa mundo: Hulyo 1, 2020 – Oktubre 9, 2020. Napakaiksing panahon!

Kung at kung mayroong disorder o may sira ang ulo ang isang tao, maigi pa ngang huwag na siyang makabasa at makabalita pa ng ganitong kawalang katarungan, patayan, at katiwalian ng mga pinuno ng pamahalaan. Ngunit paano naman ang mga kabataang nasa husto at maayos na pag-iisip? Binubuhay din ni River ang natutulog na kamalayan ng mga dapat sana’y mas mapaparaan at mas mabibilis na kabataang palagamit ng social media at internet.

Bagamat mayroon silang kinakaharap na kalituhan sa magkahalong masigabong palakpakan at sigalot ng palawak na palawak na naratibo ng mga nagkakampihan sa pulitika, ang mga kabataa’y unti-unting naniniwalang mayroon pa ring natitirang pag-asa ng tunay na pagbabago sa lipunan kung ang kalayaan sa asembliya na sinisikil ng pandemiya ay nauuwi naman sa mga online rally. Tama lamang pakaisiping hindi na mapakali ang physical self ng isang mag-aaral kaya bumabawi na siya sa kanyang digital self. At maaaring mas tama ring ipagpalagay na nakapagpapataas ng antas ng pagkatuto ang paggamit niya ng social media, ayon sa mga pananaliksik. Samakatuwid papataas ang tiwala niya sa sarili kung pagbabatayan din ang iba pang mga pag-aaral.

Kung tinatahak naman ng estudyante ang larangan ng komunikasyon, walang dudang sa panahon ngayon, mas mapapagamit siya ng social media kung saan marami at mabilis ang interaksyon.

Ginagawa na ng bawat mag-aaral sa kolehiyo ang lahat upang maging kapaki-kapakinabang ang digital self niya alang-alang sa mga teorya at praktis na nakapaloob sa Pag-unawa sa Sarili na isang kursong obligadong tapusin at ipasa ng mga nagkokolehiyo sa Pilipinas. Salamat sa napanis mong gatas, River. Gayunpaman, tuloy ang laban ng iyong inang si Reina Mae Nasino. Edad 23 siya noong iluwal ka niya sa kanyang sinapupunan at 25 na siya ngayon, samantalang dalawang kandila na sana ang nakaturok sa birthday cake mo ngayong taon. 

Hindi natutulog ang Diyos. Pumapabor na ngayon ang korte sa ilan sa mga laban ng mag-ina (o ng batang inang si Reina Mae man lamang) katulad nitong pagpapawalang-bisa ng mga search warrant kaya naaresto siya (at dalawa pang kasamahan) noong buntis pa lamang siya kay Baby River: “Search Warrants Nos. 5944 (19) and 5945 (19) are declared VOID for failure to meet the standards of a valid search warrant, and all evidence procured by virtue thereof are deemed inadmissible,” ayon kina Associate Justices Emily San Gaspar-Gito, Eduardo B. Peralta Jr. at Walter S. Ong ng Court of Appeals 12th Division sa kanilang hatol sa Case Number SP-166170 (August 31, 2022). Ang hirap maliitin ng kapalpakang ginawa o nagawa ng dalawang mababang hukuman sa Quezon City at Maynila sa batang inang may pangarap, ngunit kasalukuyang nasa kulungan.

Matatandaang naaresto si Reina Mae at dalawang kapwa aktibista sa Tondo noong Nobyembre 5, 2019, dahilan para makulong (hanggang ngayon) sa Manila City Jail sa kasong illegal possession of firearms and explosives. Walang piyansa.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.