Pangulo ng Smartmatic at dating VP na kinasuhan ng panunuhol, sumuko sa US authorities

0
165

Sumuko sa mga awtoridad sa Miami, USA, ang founder at dating vice president ng Smartmatic, isang kilalang kumpanya ng voting machines, upang harapin ang mga akusasyon ng panunuhol kaugnay ng mga kontrata para sa 2016 elections sa Pilipinas.

Ayon sa ulat, sumuko sina Roger Piñate, ang Venezuelan-American founder ng Smartmatic, at Jorge Miguel Vasquez, dating vice president ng hardware development ng kumpanya, sa Miami federal court noong nakaraang linggo. Inaakusahan ang dalawa, kasama ang iba pang sangkot, ng pagbibigay ng hindi bababa sa $1 milyong suhol kay dating Philippine Commission on Elections (Comelec) chief Andres Bautista mula 2015 hanggang 2018.

Ayon sa mga dokumentong inilabas sa korte noong Agosto 12, si Piñate ay pinakawalan matapos maglagak ng $8.5 milyon na bond. Hindi pa siya naghain ng plea dahil wala pang permanenteng abogado na nakatalaga para sa kanya. Samantala, si Vasquez, 62, ay umapela na hindi nagkasala at pinalaya rin matapos maglagak ng $1 milyong bond.

Ang kaso, na ibinalik ng federal grand jury kamakailan, ay nagdedetalye ng isang kumplikadong pamamaraan na kinasasangkutan ng diumano ay over pricing sa mga voting machine at laundering ng monetary instruments, na paglabag sa Foreign Corrupt Practices Act. Kung mapatunayang nagkasala, maaaring makulong sina Piñate at Vasquez ng hanggang 25 taon sa kasong “conspiracy to commit money laundering of monetary instruments,” at paglabag sa Foreign Corrupt Practices Act.

Matatandaang noong nakaraang taon, ipinagbawal ng Comelec ang Smartmatic na makilahok sa bidding para sa mga kontrata sa halalan. Subalit, noong Abril, binawi ng Korte Suprema ang nasabing pagbabawal, na nakita ang “abuse of discretion” ng Comelec sa kanilang desisyon laban sa Smartmatic.

Si Bautista, na namuno sa Comelec mula 2015 hanggang 2017, ay nag-award ng $199 milyong kontrata sa Smartmatic para sa 94,000 voting machines na ginamit sa 2016 presidential election, kung saan nanalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa kasalukuyan, pinag-aaralan ng Comelec ang posibilidad na maghain ng apela laban sa desisyon ng Korte Suprema.

Itinanggi ni Bautista ang anumang pagkakasala. Sa kanyang pahayag sa X (dating Twitter), sinabi niya na “I have never sought or accepted bribes from Smartmatic or any other entity.”

Samantala, kinumpirma ni US DOJ Spokesperson Nicole Navas Oxman na wala sa kustodiya ng US si Bautista. Sinabi naman ng isang tagapagsalita ng Smartmatic sa lokal na media sa Florida na parehong inilagay sa leave of absence sina Piñate at Vasquez habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Patuloy nilang iginiit ang pagiging inosente ng kanilang mga empleyado hangga’t hindi napapatunayang nagkasala ang mga ito.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.