Pangulong Marcos dumating sa Malaysia para sa 47th ASEAN Summit

0
254

KUALA LUMPUR — Dumating si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kuala Lumpur, Malaysia para dumalo sa ika-47 na ASEAN Summit and Related Summits na ginaganap mula Oktubre 26 hanggang 29. Bago ang kanyang biyahe, itinalaga ng Pangulo sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Education Secretary Sonny Angara, at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III bilang mga caretaker ng bansa habang siya ay wala.

Sakay ng PR 001, umalis si Marcos mula sa Villamor Air Base sa Pasay City pasado alas-11 ng umaga. Sa kanyang departure speech, binigyang-diin niya na patuloy niyang isusulong ang interes ng Pilipinas sa summit, partikular na ang pagpapalakas ng regional security at economic cooperation, gayundin ang pagtataguyod ng rules-based international order. “Our participation in the ASEAN Summit reaffirms our dedication to deepening regional cooperation and advancing the well-being of every Filipino and the entire Southeast Asian community,” ayon sa Pangulo.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, inaasahang dadaluhan ng Pangulo ang 14 na pagpupulong ng mga lider, tatlong pirmahan ng kasunduan, at ilang bilateral meetings kasama ang mga kapwa lider ng ASEAN upang palawakin ang ugnayan, mapalakas ang kooperasyon, at matukoy ang mga bagong oportunidad para sa ekonomiya at seguridad.

Isa rin sa mga tampok ng pagtitipon ang pormal na paglipat ng pagkapangulo ng ASEAN mula sa Malaysia patungo sa Pilipinas sa pagtatapos ng summit. Sa ilalim ng temang “One ASEAN, Stronger Together,” tututukan ng mga lider ang mga usapin sa ekonomiya, climate change, food security, at digital transformation sa rehiyon.

Inaasahan ding pipirma ang Pilipinas sa mga kasunduang magpapalakas sa kalakalan sa ilalim ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at sa mga inisyatibong magtataguyod ng supply chain resilience. Binigyang-diin din ng Pangulo na mahalagang mapanatili ang kapayapaan sa South China Sea at ang pagkakaisa ng rehiyon sa harap ng mga hamon sa pandaigdigang seguridad.

Para kay Marcos, ang ASEAN Summit ay pagkakataon upang maitaguyod ang mas malalim na ugnayan ng Pilipinas sa karatig-bansa at maipakita ang aktibong papel ng bansa sa rehiyonal na diplomasya. Dagdag pa niya, layunin ng kanyang pagdalo na masiguro ang kapakanan ng bawat Pilipino sa harap ng mabilis na pagbabago sa rehiyon at sa buong mundo.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo