Pangulong Marcos may napipisil ng panlaban sa 2028

0
189

MAYNILA — Sinabi ni Ferdinand Marcos Jr. na mayroon na siyang mga kinokonsiderang posibleng pambato para sa 2028 presidential elections, ngunit tumanggi siyang pangalanan kung sino ang mga ito sa ngayon.

Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo nang tanungin siya sa ginanap na ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders Forum sa Fairmont Hotel sa Makati City.

Ayon kay Marcos, ang susunod na magiging lider ng bansa ay dapat may malawak na kaalaman sa ekonomiya upang makalikha ng mas maraming trabaho, mapababa ang inflation, at matiyak ang sapat na suplay ng pagkain. Aniya, mahalaga ring nakatuon ang magiging pinuno sa pagpapataas ng productivity, pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon, pagpapalakas ng healthcare system, at pagsusulong ng mga polisiyang tunay na makatutulong sa pamumuhay ng mga Filipino.

“We are about nation-building. I didn’t hear that anymore. So we need to have nation builders, people who want to make Philippines better. People who actually love the Philippines and love Filipinos and want to make things better,” pahayag ng Pangulo.

Binigyang-diin din ni Marcos na mahirap itaas sa presidential level ang isang indibidwal na walang sapat na karanasan sa pulitika, dahil mahalaga ang pagkilala at tiwala ng publiko. Dagdag pa niya, mas tinitingnan ng taumbayan ang mga nasa gobyerno na aktibong nagtatrabaho, may kakayahan, at maituturing na “exceptional.”

Gayunman, nilinaw ng Pangulo na hindi pa siya magbibigay ng anumang pag-eendorso sa ngayon.

“Not soon. Timing is everything,” giit ni Marcos.

Sa kabila ng mga pahayag, nananatiling bukas ang usapin kung sino ang kanyang susuportahan sa darating na halalan sa 2028.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.