SILANG, Cavite. Sa harap ng 206 bagong nagtapos ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class 2025 “Sinaglawin,” hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga bagong opisyal na piliin ang landas ng dangal at katapatan, kahit hindi ito nakikita ng karamihan at hindi man ito magbunga ng pagkilala.
“Piliin ang marangal, kahit walang parangal, at ang paninindigan na tama kahit walang nakakakita,” panawagan ng Pangulo sa ginanap na graduation rites sa Camp General Mariano N. Castañeda sa Silang, Cavite nitong Huwebes.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng presensiya ng mga alagad ng batas sa komunidad at ang pagiging matatag sa gitna ng tukso at pagsubok.
“My dear officers, this country will never ask you to be perfect, but it will ask you to be present, be there, let our people feel your presence, feel the presence of their law enforcer, feel the presence of the law,” ayon kay Marcos.
Kinikilala ng Pangulo ang mga kontrobersiyang kinakaharap ng ilang kasapi ng PNP at ang posibilidad na mailigaw ang kanilang katapatan. Kaya’t hinamon niya ang mga bagong opisyal na maging ehemplo ng integridad at propesyunalismo.
“May mga pagkakataong ang inyong mga paniniwala ay tila hinihila sa iba’t ibang direksyon,” babala ni Marcos. “Subalit ito rin ang sandali upang patunayan ninyo ang inyong paninindigan at kahandaang maglingkod.”
Sa hanay ng mga nagsipagtapos, namayagpag si Police Cadet Marc Joseph L. Vitto mula Oriental Mindoro bilang class valedictorian. Pinarangalan siya ng Presidential Kampilan Award, Journalism Kampilan Award, at Plaque of Merit para sa pagiging pinakamagaling sa klase.
Ang Sinaglawin Class of 2025 ang kauna-unahang batch sa kasaysayan ng akademya na tuluy-tuloy nang itatalaga bilang mga fully commissioned Police Lieutenants ng PNP. Ito ay kasunod ng pagpapatupad ng Republic Act 11279, na naglilipat sa PNPA sa ilalim ng direktang pamamahala ng PNP at nagtapos sa dating sistema ng pagtatalaga ng mga kadete sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa kabuuan, 206 kadete ang nagtapos, 168 lalaki at 38 babae, na ngayon ay opisyal nang bahagi ng bagong henerasyon ng mga tagapagpatupad ng batas.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo