MAYNILA. Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sasagutin ng gobyerno ang bayarin ng mga pasyenteng naka-confine at sumasailalim sa gamutan sa mga pampublikong ospital. Ang anunsyo ay ginawa sa paglulunsad ng “Agri-Puhunan at Pantawid Program” sa Guimba, Nueva Ecija.
Bilang bahagi ng kanyang ika-67 kaarawan, inihandog ni Pangulong Marcos ang programa na tinawag na “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat,” na may layuning mapagaan ang pasanin ng mga Filipino, lalo na sa mga gastusin sa ospital.
“Kaya po sa araw na ito, sasagutin po natin ang lahat ng bayarin ng mga pasyente sa lahat ng pampublikong Level 3 hospital sa bansa katulad ng Dr. Paulino Garcia Memorial Hospital dito sa inyo,” ayon kay Pangulong Marcos.
Upang matiyak ang implementasyon ng nasabing programa, maglalaan ang Department of Health (DOH) ng P328 milyon para sa 22 tertiary hospitals sa buong bansa upang tugunan ang pangangailangang medikal ng mga pasyente.
Ang mga ospital na tatanggap ng pondo ay kinabibilangan ng:
- Metro Manila: Philippine General Hospital (PGH), Philippine Orthopedic Center, Philippine Heart Center, at iba pa
- Luzon: Ilocos Training and Regional Medical Center, Cagayan Valley Medical Center, at iba pa
- Visayas: Vicente Sotto Memorial Hospital, Gov. Celestino Gallares Memorial Hospital, at iba pa
- Mindanao: Amai Pakpak Medical Center, Davao Regional Medical Center, at iba pa
Ang programang ito ay bahagi ng sabayang distribusyon ng tulong ng gobyerno sa 82 lalawigan ng bansa katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ang proyektong ito ay malaking hakbang upang masigurado ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat, lalo na sa mga pinaka-nangangailangan.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.