Panukalang FOI Act, muling inihain sa Kamara

0
235

MAYNILA. Muling inihain sa Kamara ang House Bill 2897 o People’s Freedom of Information Act of 2025 na naglalayong gawing pampubliko ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno.

Saklaw din ng panukala ang pagsasapubliko ng mahahalagang impormasyon ng pamahalaan gaya ng mga desisyon at government research data.

“Current inconsistencies and lack of mandatory disclosure highlight the need for a legislated FOI policy. Ang panukalang ito ay isang makapangyarihang sandata laban sa katiwalian, disimpormasyon, at kawalan ng katapatan at pananagutan sa pamahalaan,” pahayag ni House Deputy Minority Leader at ML party-list Rep. Leila de Lima, pangunahing may-akda ng panukala.

Kapag naisabatas, awtomatikong isasapubliko ang SALN ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga miyembro ng Gabinete, Senado, Kamara, mahistrado ng Korte Suprema, mga commissioner ng constitutional commissions at constitutional offices, at mga opisyal ng Armed Forces na may ranggong heneral.

Papayagan din ang publiko na humiling ng access sa impormasyon ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsusumite ng request, maliban sa sensitibong datos na may kaugnayan sa national security, foreign affairs, defense, law enforcement procedures, at trade secrets.

Ayon sa panukala, ang sinumang lalabag ay maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon at pagmultahin ng P100,000 hanggang P1 milyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.