Paolo naging bagyo na, 22 lugar nasa Signal No. 1

0
1387

MAYNILA — Itinaas na sa kategoryang tropical storm ang bagyong Paolo, na nagdulot ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa 22 lugar sa Luzon at Bicol Region, ayon sa ulat ng PAGASA nitong Huwebes ng umaga.

Sa 5 a.m. bulletin, sinabi ng PAGASA na taglay ni Paolo ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 80 kph. Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.

Ayon sa ahensya, nasa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar:

  • Mainland Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya
  • Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet
  • Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan
  • Hilagang bahagi ng Zambales (Palauig, Masinloc, Candelaria, Santa Cruz)
  • Tarlac, Nueva Ecija, Aurora
  • Hilagang bahagi ng Bulacan (Doña Remedios Trinidad, San Miguel, San Ildefonso)
  • Hilagang bahagi ng Pampanga (Magalang, Arayat, Candaba, Mabalacat City)
  • Hilagang bahagi ng Quezon kabilang ang Polillo Islands
  • Hilagang bahagi ng Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga)

Nasa layong 705 kilometro silangan ng Infanta, Quezon ang bagyo dakong 4 a.m.

Inaasahan ng PAGASA na higit pang lalakas si Paolo bago tumama sa kalupaan ng Isabela o hilagang Aurora sa Biyernes ng umaga.

“Further southward shift of track is possible depending on the strength of the high-pressure area located north of Paolo. After crossing the landmass of Northern Luzon, it will emerge over the West Philippine Sea tomorrow afternoon and will continue moving west-northwestward until it exits the Philippine Area of Responsibility by Saturday morning,” ayon sa PAGASA.

Sa susunod na 24 oras, makakaranas ng ulan na may kasamang malalakas na hangin ang Catanduanes, Aurora, Quirino at Isabela. Magdadala naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang trough ng bagyo sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, CALABARZON, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, Bicol Region, Nueva Ecija at Bulacan.

Asahan din ang localized thunderstorms sa iba pang bahagi ng bansa.

Katamtaman ang magiging lagay ng hangin at karagatan sa hilaga at silangang bahagi ng Luzon, habang banayad hanggang katamtaman naman ang kondisyon sa natitirang bahagi ng bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo