Papangalanan na ang bubuo sa independent body na mag-iimbestiga sa flood control projects —Marcos

0
664

MAYNILA. Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na malapit nang ilabas ng pamahalaan ang listahan ng mga miyembro ng independent body na magsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng mga iregularidad sa mga flood control project na kinasasangkutan ng mga alegasyon ng korapsyon.

Ayon kay Marcos, ang bubuuing komisyon ay ganap na hiwalay sa pamahalaan at binubuo ng isang abogado o mahistrado, isang imbestigador, at isang forensic accountant. Makikipagtulungan umano ang grupo sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno lalo na sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa imbestigasyon, at sa Commission on Audit (COA) para sa impormasyon.

“Wala pang formal name, pero ‘yun ang binubuo namin, independent commission para imbestigahan ito ngang mga lumalabas na anomalya sa mga flood control project. ‘Yung mga personalities, ayaw ko namang maunahan ang actual na announcement dahil hindi pa solid talaga, pero malapit na,” ani Marcos sa isang eksklusibong panayam ni Vicky Morales na ipinalabas sa GMA’s 24 Oras Weekend nitong Linggo.

Dagdag pa ng Pangulo, bibigyan ng lahat ng kinakailangang kapangyarihan ang komisyon upang makabuo ito ng konklusyon at mga findings na magsisilbing batayan ng mga susunod na hakbang. Ang kanilang magiging papel ay rekomendatoryo at inaasahang magsusumite sila ng ulat sa Department of Justice (DOJ) o sa Office of the Ombudsman para sa posibleng pagsasampa ng kaso.

“They will have the authority to investigate anything and anyone. Otherwise, then what, then sasabihin may sacred cow na naman, may pinoproteksyonan dahil kasama sa politika, whatever. ‘Pagka nangyari ‘yun, wala ring kabuluhan ang kanilang imbestigasyon,” paliwanag ni Marcos.

Binigyang-diin din ng Pangulo na walang sinuman ang makakaligtas sa imbestigasyon, kabilang na ang kanyang mga kamag-anak at kaalyado sa politika. “I said we’re making an omelet. We’re going to have to break some eggs. There’s just no way around it,” aniya.

“Who is more important—your friend, your political supporter, or every single ordinary Filipino citizen? Who is more important? To me, it’s the Filipino citizen. Nobody is more important than Filipinos. Nobody, nobody, not one person is more important,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Marcos na ang mga isyung may kinalaman sa flood control projects ay bunga ng matagal na kapabayaan at sistemikong suliranin. Aniya, makatutulong ang magiging ulat ng komisyon para mailagay ang mga pananggalang at maiwasan ang pag-uulit ng ganitong anomalya sa hinaharap.

“The simplistic answer will be: Paano tayo nagkaganito? Dahil pinabayaan. And what can we do? What we can do is to find out how this happened, who were the people that were involved, make them answerable for their wrongdoing, and fix the structure so this is not allowable,” pahayag ng Pangulo.

Matatandaang noong nakaraang linggo ay iniutos ni Marcos ang masusing pagsusuri sa panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), dahil ito ang pangunahing ahensya na nagpapatupad ng flood control projects.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo, binalaan din ni Marcos ang mga opisyal ng gobyerno na magnanakaw ng pondo, partikular sa mga flood control project.

Nagpakilala rin siya ng isang website na tumatanggap ng reklamo laban sa mga anomalya. Ayon kay Marcos, natuklasan niya na 15 kumpanya lamang ang kumukuha ng halos 20% ng mga kontrata sa bansa. Simula nang ilunsad ang platform, nakatanggap na ito ng mahigit 12,000 ulat, hindi lamang para sa flood control kundi pati na rin sa road paving at road widening projects.

“We started talking about flood control pero siyempre, nagkaroon ang tao ng line of communication sa akin na para makapagreklamo sila, ginagamit talaga nila. That has been very effective, that’s why I encourage everybody. Lahat ng ano, hinihikayat ko kayong lahat. ‘Pagka meron kayong reklamo, ireklamo niyo,” ani Marcos.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo