MAYNILA — Hiniling ng Iloilo City Police Office (ICPO) na sumailalim sa paraffin test ang live-in partner ng yumaong Dueñas, Iloilo Vice Mayor Aimee Paz Lamasan kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa kanyang pagkamatay.
Ayon sa ulat ni John Sala ng GMA Regional TV sa “24 Oras,” ang live-in partner ni Lamasan ang tanging kasama niya nang maganap ang insidenteng kinasangkutan ng umano’y accidental discharge ng baril.
“We already sent a request for a paraffin test to the vice mayor’s partner. That’s one of the things we have to do,” pahayag ni Iloilo City Police chief Captain Jeffrey Delgado.
Sinisikap pa ng GMA Regional TV na makuha ang panig ng live-in partner ng bise alkalde, na dating regional director ng Office of Civil Defense (OCD) sa Eastern Visayas, para sa kanyang pahayag.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, noong Martes ng umaga ay inaayos ni Lamasan ang kanyang mga gamit sa kanyang tirahan sa La Paz, Iloilo City. Umano’y ilalagay na niya sa taguan ang isang 9 mm pistol nang ito ay aksidenteng pumutok at tumama sa kanyang tiyan.
Agad na isinugod sa ospital ang lokal na opisyal ngunit binawian ng buhay noong Miyerkules. Humiling naman ng privacy ang pamilya ni Lamasan sa gitna ng pagluluksa.
Inanunsiyo ni Dueñas, Iloilo Mayor Robert Martin Pama ang pagpanaw ng bise alkalde sa pamamagitan ng isang Facebook post.
“As of now, we are looking at accidental firing as one of the possible angles. But our follow-up is still ongoing, so in case that there is other evidence for another angle, the investigation will still go on,” ayon kay Iloilo City Police Office spokesperson Major Shella Sangrines.
Patuloy namang hinihintay ng La Paz police ang resulta ng ballistic examination sa 9 mm pistol. Naghihintay rin ang mga awtoridad ng kumpirmasyon mula sa Regional Civil Security Unit kung si Lamasan nga ang rehistradong may-ari ng nasabing baril.

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






