MAYNILA. Maaaring makulong ng hanggang 12 taon at pagmultahin ng P500,000 hanggang P2 milyon ang sinumang mapapatunayang nagpapakalat ng fake news online, sakaling maging ganap na batas ang House Bill (HB) No. 3799.
Muling inihain nina Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez at ABAMIN Partylist Rep. Maximo Rodriguez Jr. ang panukala na tinawag na “Anti-Fake News and Disinformation Act” upang tugunan ang lumalalang problema ng disinformation at fake news sa bansa.
Ayon sa panukala, ang fake news ay tumutukoy sa maling o mapanlinlang na impormasyon na iniharap bilang katotohanan o balita, sadyang ipinalaganap upang linlangin ang publiko, magdulot ng kalituhan, mag-udyok ng poot o karahasan, o makagambala sa kaayusan ng lipunan.
Itinuturing namang disinformation ang maling impormasyon na sinadyang ipakalat upang manipulahin o impluwensyahan ang pananaw, pag-uugali o mga polisiya ng publiko.
Nakasaad din na pinakamabigat na parusa ang ipapataw kung ang maling impormasyon ay naglalayong pahinain ang national security o diplomatic relations ng bansa, manggulo sa eleksyon o disaster response, o kung ito ay ginawa ng isang opisyal ng gobyerno, mamamahayag, o social media influencer na may mahigit 50,000 followers.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





