Itinutulak sa Kamara ang pagsasabatas ng obligadong paglalagay ng half-rice sa menu ng mga food establishments at ang parusa sa mga hindi sumusunod dito.
Sa Anti-Rice Wastage Act (House Bill 9510) na isinumite ni Quezon Rep. Keith Micah Tan, ipapataw ang parusa sa mga restawran na hindi mag-aalok ng half-rice.
Ang orihinal na panukala ay inihain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong siya ay senador pa lamang. Inisponsor naman ito ng ina ng mambabatas na si Quezon Gov. Helen Tan noong siya ay miyembro pa ng Kongreso.
Layunin ng panukala na bawasan ang pag aaksaya ng bigas sa mga restaurant, commissary, cafeteria, cafe, lunchroom, bistro, fast food establishment, at iba pang kainan.
“Hindi naman po natin pagbabawalan ang ‘unli rice’ o paparusahan ‘yun na hindi makakatapos ng kanin sa kanilang buffet. Ang nais lang po natin ay makatulong upang hindi maaksaya ang bigas na itinuturing natin na ginto at upang bigyang-pansin ang kapakanan ng ating mga magsasaka at isulong rin ang kalusugan ng bawat mamamayan,” sabi ni Tan.
Sa ilalim ng panukala, kinakailangan na ilagay ang one-half cup ng kanin sa menu. Ang mga hindi sumusunod ay pagmumultahin ng P5,000 sa unang paglabag, P10,000 sa ikalawa, at P20,000 at suspensyon ng lisensya o permit to operate ng hindi bababa sa 30 araw sa ikatlo at mga susuunod pang paglabag.
Ayon kay Tan, House Assistant Majority Leader, ang panukala ay sagot sa panawagan ng Department of Agriculture (DA) sa mga negosyo sa pagkain na isama ang half cup ng kanin sa kanilang menu.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.