Parusang life imprisonment, P2 milyong multa sa child pornographer pinagtibay ng SC

0
236

Pinagtibay ng Korte Suprema ang parusang reclusion perpetua at multang P2 milyon na ipinataw ng hukuman sa isang internet child pornographer, na nambiktima mismo sa kanyang 6-taong gulang na pamangkin noong 2016.

Sa desisyon ng Supreme Court (SC) en banc, na iniakda ni Associate Justice Mario Lopez, ibinasura nito ang apela ng akusadong si Luisa Pineda at sa halip ay pinagtibay ang hatol na reclusion perpetua ng lower court at ng Court of Appeals (CA) laban sa kanya.

Bukod sa P2 milyong multa, inatasan din ng mataas na hukuman si Pineda na magbayad ng P300,000 sa biktima bilang civil damages.

Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso laban kay Pineda nang siya ay arestuhin sa isang police raid sa kanyang tahanan noong 2016 dahil sa child pornography.

Nauna dito, nakatanggap ng tip ang mga pulis mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) ng United States of America (USA) hinggil sa illegal na aktibidad ng akusado.

Kaagad nagsagawa ng surveillance ang PNP-Anti-Trafficking in Persons Division sa bahay ni Pineda at nang makumpirma ang tip ay kaagad itong pinasok at inaresto.

Nakumpiska sa bahay ni Pineda ang computer at cellphone na may hubad na larawan ng kanyang pamangkin, na inihabilin lamang sa kanya ng kapatid matapos na makipaghiwalay sa kanyang asawa.

Nailigtas din sa raid ang tatlo pang menor-de-edad na ipinasa sa pangangalaga ng DSWD.

Lumilitaw sa imbestigasyon na diumano ay inuutusan ni Pineda ang batang pamangkin na pumasok sa kuwarto, ­pinaghuhubad at pinatatayo sa harap ng computer na may webcam, at saka ipakikita na hinahawakan ang pribadong bahagi ng kanyang katawan sa isang matandang lalaki.

Nakarekober din ang mga pulis ang online conversation ng akusado at ng kanyang dayuhang kostumer hinggil sa pagbebenta nito ng hubad na larawan at video ng kanyang pamangkin.

Binigyang-diin ng SC En Banc na ang nasabing hatol ay dapat na magsilbing babala at matinding mensahe sa sinumang mapapatunayan na mang-aabuso ng mga kabataan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.