Pasukan sa Hulyo 29, inaprubahan na ni Pangulong Marcos Jr.

0
231

MAYNILA. Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng klase sa Hulyo 29 para sa school year 2024-2025. Ang desisyong ito ay inihayag matapos ang sectoral meeting ng Pangulo kasama ang Department of Education (DepEd) sa pangunguna ni Vice President Sara Duterte na siya ring kalihim ng DepEd.

Sa naturang pagpupulong, inaprubahan ang pagbubukas ng klase ng Hulyo 29, 2024 na magtatapos ng Abril 15, 2025. Ito ay bahagi ng unti-unting pagbabalik sa tradisyonal na school year na magsisimula ng Hunyo at magtatapos ng Marso sa susunod na taon.

Iprinisinta ni Bise Presidente Duterte kay Pangulong Marcos ang dalawang opsyon para sa pagbabago ng school calendar. Ang una ay 180 araw ng klase na may 15 in-person Saturday classes, habang ang ikalawa naman ay 165 araw ng klase na walang in-person Saturday classes at magtatapos sa Marso 31, 2025.

Gayunpaman, sinabi ng Pangulo na ang 165-araw na school calendar ay masyadong maiksi at maaaring makaapekto sa kalidad ng edukasyon ng mga estudyante. Ayaw din ng Pangulo na magkaroon ng Saturday classes dahil maaaring makaapekto ito sa kalusugan at kapakanan ng mga estudyante at guro, at mangangailangan din ito ng karagdagang resources.

Dahil dito, inadjust ng DepEd ang pagtatapos ng klase mula sa Marso 31, 2025 at ginawa itong Abril 15, 2025 para makumpleto ng mga estudyante ang 180 araw ng klase kahit walang Saturday classes.

“Ang 165-day school calendar ay masyadong maiksi at maaaring makompromiso ang resulta ng kaalaman ng mga estudyante,” pahayag ni Pangulong Marcos. “Ang kalusugan at kapakanan ng mga estudyante at guro ay mahalaga rin.”

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo