Patay ang 1, sugatan ang isa pa sa bumulusok na delivery jeep

0
181

Dasmariñas City, Cavite. Patay ang isang 16 anyos na estudyante at sugatan ang isa pa matapos masagasaan ng delivery jeep na puno ng gulay at buko na bumulusok palusong mula sa loob ng palengke ng bayang ito kamakalawa ng hapon.

Ang biktima ay kinilalang si Renz Jether A. Matias, isang estudyante mula sa Blk.1, Brgy. H2 sa Dasmariñas City Cavite. Nasugatan din ang helper ng delivery jeep na si Rene Lohera na nakatira sa Excess lot public market, Brgy. Burol 1, Dasmariñas City, Cavite.

Sa imbestigasyon ni Police Master Sergeant Apolonio Narte, naganap ang insidente alas 4 ng hapon habang palabas ang delivery jeep na minamaneho ni Zaldy Digma Bago, 43 anyosna residente ng  Taiwanak Ilaya, Alfonso Cavite.

Ang jeep ay puno ng gulay at buko at galing sa 3rd floor ng palengke.Dahil sa palusong na kalsada sa palabas ng palengke, hindi kinaya ng driver na kontrolin ang bigat ng karga kaya’t nawalan ito ng preno at bumulusok pababa. Nangyari ito sa kabilang linya ng kalsada kung saan naglalakad ang mga estudyante na papauwi na sana.

Sinagasaan ng jeep ang biktima at naipit ito sa bakal na railings ng kalsada samantalang tumilapon naman ang helper palabas ng sasakyan at kasalukuyang ginagamot sa isang pagamutan.

Sa ngayon, ang driver ng jeep ay nakakulong at nakatakdang humarap sa mga kaukulang kaso kaugnay ng naganap na trahedya.

Ang insidente ay patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad upang matukoy ang mga pangunahing sanhi at magpatupad ng kinakailangang aksyon para maiwasan ang mga ganitong aksidente sa hinaharap.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.