Patay ang 2 kidnapper, pulis sugatan sa engkwentro sa Rizal

0
649

Pililla, Rizal. Dalawang hinihinalang kidnapper ang napatay sa pakikipag engkwentro sa mga anti-kidnapping operatives ng Philippine National Police (PNP) sa Pililla, Rizal noong Martes ng madaling araw.

Ayon sa ulat ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG), kinilala ni officer-in-charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. ang mga suspek na napatay sa engkwentro na sina Rolly Castillo at Jerameel Ventura.

Ang mga suspek ang nasa likod ng pagdukot sa isang 21-anyos na estudyante at sa pinsan nito at isa pang 34-anyos na negosyante, na nailigtas sa ibang lokasyon ilang oras bago naganap ang engkwentro.

Sinabi ni Danao na ang mga biktima ay dinukot sa Tondo, Maynila noong Hunyo 4 kung saan ang mga kidnapper ay unang humingi ng PHP100-million ransom kapalit ng pagpapalaya sa kanila.

ayon sa anya, nagkaroon ng breakthrough sa imbestigasyon noong sumang-ayon ang mga kidnapper sa counteroffer na ginawa ng pamilya ng mga biktima.

Isang ransom pay-off ang itinakda sa Calamba City, Laguna noong Lunes ng gabi ngunit kalaunan ay inilipat sa Pakil, Laguna kung saan natanggap ng mga kidnapper ang ransom habang ang mga biktima ay pinalaya sa bayan ng Famy, ayon kay Danao.

Natunton ng mga operatiba ng PNP-AKG ang getaway vehicle ng mga kidnapper sa isang lugar sa Pililia kung saan nagkaroon ng armadong engkwentro na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang suspek at pagkasugat ng isang miyembro ng AKG.

Narekober sa encounter site ang isang Honda CRV, isang .45 caliber pistol, isang caliber 9mm Taurus pistol, isang Ingram machine pistol, ilang live ammunition, ilang identification card, dalawang posas, dalawang cellular phone, at ilang mga gamot.

Nasa kustodiya na ngayon ng PNP Forensic Group ang mga nakuhang ebidensya upang sumailalim sa pagsusuri. (Camp Crame)

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.