Payag ang DepEd sa suspensiyon ng F2F classes dahil sa matinding init

0
291

Binigyang-linaw ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na maaaring suspindihin ang face-to-face classes sa mga lugar na apektado ng El Niño phenomenon.

Ayon kay DepEd Assistant Secretary at Deputy Spokesperson Francis Bringas, “Last year meron nang situation na ganito at nakapag-issue na tayo ng directive para sa mga field offices na maaa­ring mag-suspend ng face to face classes…kung sobrang init na talaga ang nararamdaman sa kanilang mga school.”

Ang pahayag na ito ay kaugnay sa pag-anunsiyo ni Bacolod Mayor Albee Benitez ng suspensiyon ng face-to-face classes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, kasunod ng forecast ng PAGASA ng mataas na heat index nitong Marso 11 at 12.

Sa isang panayam sa teleradyo, iginiit ni Bringas na ang DepEd ay nagbibigay ng awtoridad sa mga lokal na pamahalaan at paaralan na magdesisyon hinggil sa suspensiyon, base sa heat index forecast ng PAGASA.

“Yung PAGASA meron silang ginagamit na scale at ‘pag umaabot na sa scale na masyado nang mainit, kinakailangan na nilang mag-suspend,” dagdag pa niya.

Kapag suspendido ang face-to-face classes, automatic na ipatutupad ng mga paaralan ang modular distance learning scheme.

Sa kabila ng hamon ng init, tiniyak ni Bringas na ang DepEd ay patuloy na nagmamasid at nagbibigay ng suporta upang mapanatili ang kaligtasan at kalidad ng edukasyon ng mga mag-aaral sa bansa.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.