MAYNILA. Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero upang matukoy at mapanagot ang mga sangkot sa insidente.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nais ng Pangulo na magkaroon ng sapat na ebidensya, gaya ng mga larawan o video, upang mapabilis ang resolusyon sa kaso.
“Kailangan po talaga nila ng… maliban sa testimoniya ay magkaroon po ng ibang mga ebidensiya tulad ng mga larawan/pictures, videos, kung mayroon man, para mas makatulong po sa pagresolba ng kasong ito,” pahayag ni Castro.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla, maraming kilalang personalidad ang iniimbestigahan sa kaso bukod sa isang female celebrity at ilang pulis. Bagamat hindi pinangalanan, lumulutang sa mga ulat na isang senador at dalawang kongresista ang isinasangkot.
Kamakailan, lumantad si alyas “Totoy” na itinuro si gaming tycoon Charlie “Atong” Ang bilang umano’y utak sa likod ng pagkawala ng hindi bababa sa 100 sabungero. Pinangalanan din niya ang aktres na si Gretchen Barretto na umano’y may kinalaman sa insidente.
Una nang sinabi ng DOJ na napakakapangyarihan ng umano’y mastermind sa likod ng krimen, na kayang impluwensiyahan kahit ang Korte Suprema.
Samantala, apat na lalaki na nagsabing dati nilang kasamahan si alyas “Totoy” ang lumantad sa social media at nanawagan ng proteksyon mula sa pamahalaan. Sa kanilang mahigit anim na minutong live video, sinabi nilang sila rin ay mga biktima at dapat ding pakinggan.
“Humihingi rin po kami ng hustisya at hindi lang po si alyas Totoy yung paniwalaan n’yo dahil isa rin po kami sa mga biktima. Dapat malaman din po ang katotohanan,” pahayag ng grupo.
Ayon sa kanila, sila ay mga in-house security at si alyas “Totoy” ang kanilang hepe. Inilarawan din nila si Totoy bilang isang bigtime personality na may sariling bodyguard, resort, at mga ari-arian. Lahat sila ay mula sa Negros Occidental at may kinakaharap na kaso sa isang korte sa Maynila kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.
Sa panig ng DOJ, sinabi ni Assistant Secretary at spokesperson Mico Clavano na sa ngayon ay wala pa silang nakikitang sapat na batayan para ikonsidera ang apat bilang state witnesses.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





