MAYNILA. Nagpahayag ng kanyang suporta si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Senador Francis “Chiz” Escudero, na pinangalanan bilang bagong Senate President. Pinalitan ni Escudero si Senador Juan Miguel Zubiri na nagbitiw sa kanyang posisyon bilang Senate President.
Sa isang pahayag na naka-post sa social media, kinilala ni Pangulong Marcos ang track record at karanasan ni Escudero sa lehislatura. Ayon sa Pangulo, kumpiyansa siya na sa ilalim ng liderato ni Escudero, magpapatuloy ang Senado na iprayoridad ang mga hakbang na sumusuporta sa tiwala ng administrasyon para sa positibong transpormasyon.
“I extend my support to the new Senate President, Chiz Escudero. His legislative record and commitment to public service have distinguished him as a dedicated leader,” ayon kay Pangulong Marcos. “Senator Chiz steps into this role following the commendable tenure of Senator Migz Zubiri, and I am confident that under his leadership, the Senate will continue to prioritize transformative laws to achieve our shared vision for a Bagong Pilipinas,” dagdag niya.
Noong Lunes, inihalal ng mga senador si Francis “Chiz” Escudero bilang bagong Senate President, kapalit ng “heartbroken” na si Juan Miguel Zubiri, na iginiit na prinotektahan niya ang pagiging independent ng Senado. Matapos ang talumpati ni Zubiri para ihayag ang kanyang pagbibitiw, iminungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano si Escudero na maging bagong lider, na sinang-ayunan naman ng mayorya.
Nanumpa si Escudero bilang bagong Senate President sa harap ni Sen. Mark Villar, ang pinakabatang miyembro ng kapulungan. Kasama ni Escudero sa panunumpa ang kanyang asawa na si Heart Evangelista.
Sa kanyang pahayag matapos ang oath-taking, pinasalamatan ni Escudero si Zubiri sa pagmamahal nito sa bayan at sa Senado bilang isang institusyon. “My hats off to you, Senate President Zubiri. I salute you and I hope I will make you proud. You especially among all our other colleagues and hopefully, you will not leave my side whenever I ask for guidance, whenever I ask for help and whenever I ask for your wisdom. Mas malayo po at mas marami kayong alam sa akin lalo na bilang taga-pangulo ng Senado,” ayon kay Escudero.
Tiniyak ni Escudero na walang mangyayaring pagkakahati-hati sa Senado sa kabila ng pagbabago sa liderato. “Walang my team, walang your team para sa akin. Walang SP Migz, wala ring Chiz para sa akin. Ang tingin ko sa bawat isa sa atin ay mga miyembro ng nag-iisang Senado. At kung may kulay man tayong dadalhin, para sa akin, ang mga kulay na yan ay dapat sumasagisag sa bandila ng Pilipinas na nagkataon lamang na nasa likod at nasa harap natin ngayon,” dagdag niya.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo