MAYNILA. Hinihikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na suportahan ang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024, bilang pagkilala sa mga natatanging kwentong Pinoy na bahagi ng ating kultura at tradisyon tuwing Kapaskuhan.
“Isama ang buong pamilya, buong barkada, at panoorin ang sampung pelikula na handog ng MMFF,” ani Pangulong Marcos sa kanyang pahayag.
Ayon pa sa Pangulo, ang Pasko ay isang espesyal na panahon para sa pagkakaisa at pagmamahalan ng bawat pamilya at ng buong sambayanan. Dagdag niya, sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng MMFF ngayong taon, muling bibida ang mga kwento ng lahing Pilipino na nagiging bahagi na ng ating kasaysayan at kultura.
“Ang mga magagandang pelikulang kalahok ngayon ng Golden Year ng MMFF ay siguradong magbibigay ng gintong saya at mag-iiwan ng mga ginintuang aral,” ani Marcos.
Bilang pagtatapos, nagbigay ng pagbati ang Pangulo sa industriya ng pelikulang Pilipino:
“Mabuhay ang pelikulang Pilipino! Happy 50 years, MMFF! At muli, Maligayang Pasko po sa inyong lahat!”
Ang Metro Manila Film Festival ngayong taon ay may sampung kalahok na pelikula na magpapamalas ng husay at talento ng mga Pilipino sa paggawa ng mga de-kalidad na pelikula.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo