PBBM sa Comelec: “Bayad” na People’s Initiative signature campaign, ibasura

0
125

Nakataldang ipawalang-bisa ng Commission on Elections (Comelec) ang mga pirma sa People’s Initiative na nakuha kapalit ng pera.

“Well, pagka binayaran ‘yung signature, hindi tatanggapin ng Comelec ‘yun. So walang magandang mangyayari,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isang panayam matapos ang opisyal na paglulunsad ng Lung Transplant Program ng Lung Center of the Philippines (LCP) at National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City.

Binasura naman ng Pangulo ang napaulat na signature-buying para sa naturang kampanya, sinabi niya na may napaulat na may ilang benepisyo na matatanggap para makaakit ng mga botante na pumirma. Itatanong aniya niya sa mga miyembro ng Kongreso kung tama ang napaulat na ito.

“So, ang pagkakaalam ko hindi naman, wala namang ganoon. Ang sinasabi hindi bayaran ng cash, kundi nangangako ng kung anu-anong benefits. Tinitignan namin, sabi ko, ‘itinanong ko sa ating legislation, totoo ba ‘yan?'” aniya pa rin.

Tinugunan din ng Chief Executive ang suhestiyon na suspendihin ng mga ahensiya ang kanilang social services programs upang hindi magamit sa pangangalap ng pirma para sa people’s initiative. Sinabi ng Pangulo na hindi niya magagawang pigilan o ihinto ang implementasyon ng kahit na anumang serbisyo lalo pa’t maraming mga Filipino ang nangangailangan ng tulong.

“Hindi naman nagbago yung mga release natin, constant pa din. Hindi naman maganda din ‘yun kasi may mga nangangailangan talaga,” ayon sa Chief Executive.

Sa halip aniya ay hayaan ang Comelec na gawin ang trabaho nito pagdating sa balidasyon ng mga pirma.

“We just let Comelec do their job and their work to validate the signature. And if there’s suspicion na may ganoon nga ay hindi talaga mabibilang ang mga signature na ‘yun,” ayon sa Pangulo.

Upang maikonsiderang mahalaga ang people’s initiative, ang bawat congressional district ay kailangan na makakalap ng pirma ng 3% ng registered voters nito.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo