MAYNILA. Inamin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nahihirapan siyang pumili ng bagong kalihim ng Department of Education (DepEd).
Sa isang panayam kasunod ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at National Unity Party (NUP) Alliance Signing Ceremony sa Makati City, sinabi ng Pangulo: “Sa madaling sabi, oo nahihirapan ako pumili dahil napakakumplikado ng trabaho ng DepEd.”
Bukod dito, may mga panawagan na ang susunod na kalihim ng DepEd ay isang “educator, administrator, at historical professor.”
“All of these and they are all valid concerns. That’s what education is all about. And that is why… I’ve gone through so many CVs (curriculum vitae). Marami tayong magagaling,” ayon sa Pangulo.
“We have to choose somebody who has an understanding of what is important in terms of being an educator. But then we also have to find the same person who has to have those qualities that can galvanize this very, very large bureaucracy which is the DepEd and to achieve all of those gains or all of those changes to make the educational standard better,” dagdag niya.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang pangangailangan na magtalaga ng isang ‘educator’ na makatutulong kapwa sa mga guro at mga estudyante.
“Ang lagi naman natin tiningnan ang mga test score natin. We have to bring up the test scores. You all know that. So, you need an educator who understands how to help the students, how to help the teachers, number one,” ayon kay Pangulong Marcos.
Pinasalamatan din ni Pangulong Marcos si Vice President Sara Duterte sa kanyang naging trabaho sa DepEd.
“Mahirap ang trabaho ng DepEd. That’s why we have to thank Inday Sara really for the effort that she put in,” ang tinuran ni Pangulong Marcos.
Samantala, sinabi ni Rep. France Castro ng ACT Teachers Partylist na ang susunod na kalihim ay dapat may sapat na karanasan at kaalaman sa tunay na kalagayan ng edukasyon, may malasakit, at marunong makinig sa mga hinaing ng mga estudyante at guro.
Dapat aniya na may bitbit na solusyon sa mga problema ng sektor at laging kumokonsulta sa educational stakeholders.
Panawagan ni Castro kay Pangulong Marcos na huwag ibase sa politika ang pagtatalaga ng bagong kalihim ng DepEd.
“Mahalaga ang edukasyon kaya nararapat lamang na magtalaga ng kalihim na kayang sumagot sa pangangailangan ng mamamayan at kayang palakasin ang sistema ng edukasyon sa bansa,” dagdag niya.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo