PCG, nagbabalak na magkaroon ng 5 malalaking barko mula sa Japan

0
154

Nakatutok ang Philippine Coast Guard (PCG) sa layuning magkaroon ng limang karagdagang malalaking barko mula sa bansang Japan, bilang bahagi ng modernisasyon at pagpapalakas ng flotilya. Kabilang sa mga barkong inaasam ang katulad ng 97-metro na multi-role response vessel na BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) at BRP Melchora Aquino (MRRV-9702).

Naganap ang mahalagang pag-uusap tungkol dito noong Nobyembre 4, 2023, sa isang courtesy visit ng Japanese Prime Minister na si Fumio Kishida at Japan Coast Guard (JCG) Commandant na si Admiral Shohei Ishii, sa PCG National Headquarters sa Port Area, Manila.

Kasama sa naturang pagpupulong ang Japanese Ambassador to the Philippines na si Kazuhiko Koshikawa mula sa Embassy of Japan in the Philippines, Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, at PCG Commandant CG Admiral Ronnie Gil L. Gavan.

Ayon sa Komandante, ang karagdagang barkong ay magiging malaking tulong sa mga operasyon ng PCG, kabilang ang pagpapatrulya sa West Philippine Sea, pagsasagawa ng search and rescue mission, at pakikiisa sa humanitarian assistance at disaster response effort ng pamahalaan.

Sa pagbisita, tinalakay din ang regular na pagsasagawa ng ‘trilateral maritime exercise’ kung saan magkakasama ang PCG, JCG, at U.S. Coast Guard upang mapalakas ang kooperasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan sa karagatan ng rehiyon.

Nagpasalamat din si CG Admiral Gavan sa pamahalaan ng Japan sa kanilang tulong sa Pilipinas, partikular sa oil spill response operation sa Naujan, Oriental Mindoro. Ipinahayag niya na ito ay patunay na ang ugnayan ng Pilipinas at Japan ay malalim at matibay.

Sa pagtutulungan ng Pilipinas at Japan, inaasahan na mas mapapalakas ang kakayahan ng PCG na maglingkod at magproteksyon ang mga karagatan ng bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo