PCOL Campo: Huwag gawing trabaho ang pagbebenta ng iligal na droga

0
253

5 suspek na tulak arestado sa magkakahiwalay na buy-bust ops ng Laguna PNP

Sta. Cruz, Laguna.  Arestado ang limang suspek sa magkakahiwalay na drug buy-bust operations na isinagawa ng ng PNP Laguna, ayon sa ulat ni Laguna Police Acting Provincial Director PCOL Rogarth B. Campo kay CALABARZON Regional Director PBGEN Eliseo DC Cruz kaninang umaga.

Nahuli si Alfred Caalem Darame alyas Buboy, 22 anyos, walang trabaho at residente ng Brgy. Market Area Sta Rosa City, Laguna ng mga tauhan ng Sta. Rosa Police Station sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL Paulito M. Sabulao matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa isang poseur buyer sa isang subdibisyon sa nabanggit na lungsod.

Nakuha sa suspek ang limang sachet ng pinaniniwalaang shabu kasama ang Php 500 na buy-bust money.

Inaresto naman ng mga elemento ng Biñan City Police Station sa pangangasiwa ni PLTCOL Jerry B. Corpuz si Glicerio Borac alyas Gleci, 46 anyos, walang trabaho at residente ng Brgy. Dela Paz, Binan City, Laguna sa 2022 at Sitio Pulo Brgy. Delapaz, Binan City, Laguna kung saan ay nagbenta ang suspek ng hinihinalang shabu sa isang police officer na nagpanggap na buyer.

Limang sachet din ng hinihinalang shabu ang nakuha sa suspek na may timbang na humigit kumulang na 1.2 gramo at nagkakahalaga ng Php 7,500.

Sa Calamba City, arestado din si Johndel Landicho, 26 anyos, walang trabaho at residente ng Brgy. 2, Calamba City, Laguna, sa isa pang operasyon ng Calamba Police Station na pinangunahan ng PLTCOL Arnel Pagulayan.

Nakumpiska sa suspek ang apat na sachet o isang gramo ng pinag susupetsahang shabu na may street price na Php 6,800.

Samantala, nasakote naman ng mga tauhan ng San Pablo City Police Station sa isa pang operasyon ng drug buy-bust sa pangangasiwa ng PLTCOL Gary C. Alegre si Alvin Rosales Aquino, 50 anyos na tagapag alaga ng baboy kasama si John Christian Golle Valenzuela, 21 anyos, walang trabaho at kapwa residente ng Brgy Sta Maria, San Pablo City, Laguna.

Nahalughog ng mga pulis sa dalawang suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu kasama ng Php 500 na pain.

Ang mga pagdakip ay matagumpay na isinagawa kahapon, Enero 21, 2022. Kakasuhan ng paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek at nakatakdang sumailalim sa forensic examinations ang mga ebidensya ng nakuha sa kanila.

“Makikita natin sa mga nahuli na karamihan ay mga walang trabaho. Ako ay nakikiusap sa ating mga kababayan sa Laguna na huwag gawin trabaho ang pagbebenta ng ipinagbabawal na droga. Dahil imbis na mapabuti ang inyong buhay ay lalo lang kayo mapapahamak,” ang mariing mensahe ni PCOL Campo.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.