MAYNILA. Isiniwalat ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ngayong Biyernes, Setyembre 12, ang umano’y bagong raket sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na kinasasangkutan ng mga junior personnel na naniningil ng libo-libong piso kada pahina ng dokumento mula sa mga kontratista.
Ayon kay Lacson, ang mga dagdag na “requirements” na ipinapataw ng mga junior staff sa antas ng District Engineering Office ay bukod pa sa regular na komisyon at obligasyong karaniwang sinisingil sa mga kontratista.
“Naging systemic na kung saan nag-evolve sa sobrang katakawan nagdagdag ng nagdagdag ng nagdagdag ng pagkakagastusan, pagkakakitaan, pati per page ng bidding documents, pati per page ng material testing report, pati per page ng kung anong documentary requirements, pinepresyuhan na,” sinabi ni Lacson sa panayam ng NET25.
Batay sa kanyang impormasyon, kabilang sa umano’y mga singil ng junior officials ang:
- Variation order technical notes: P10,000 bawat dokumento at P2,000 bawat pahina kada request
- Planning and Design Section: P50,000 para sa soft copy, depende sa region
- Materials testing report: 1% ng contract cost, walang resibo
- Bid documents: P50,000, depende sa region
- Inspection per initial billing: P5,000 bawat inspector, dagdag na P10,000 at P5,000 kada pipirma ng taga-DPWH
- Final billing: P75,000 at P5,000 bawat project engineer
- Quality assurance mula sa Central Office: P50,000 na ipapatawag ng District Engineer
- Construction Performance Evaluation System (CPES): P50,000 hanggang P200,000
Bilang chair ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa katiwalian sa flood control projects, sinabi ni Lacson na malinaw na malalim na ang ugat ng korapsyon sa DPWH.
Matatandaan na sa kanyang mga privilege speech noong Agosto 20 at Setyembre 9, ibinunyag din ni Lacson ang umano’y organisadong katiwalian sa DPWH, kabilang ang paggamit ng ilang engineer ng daan-daang milyong piso ng pondo ng bayan sa pagsusugal sa casino.
Dagdag niya, naging masama ang impluwensiya ng mga tiwaling opisyal sa kanilang mga junior personnel. “Siyempre nakikita nila ang mga DE nila ang lalaki ng kita. Itong mga nasa ilalim ng DE, teka muna, maghahanapbuhay din kami,” wika ni Lacson.
Binigyang-diin niya na ang tunay na naaapektuhan ng mga dagdag na gastusin ay hindi ang mga kontratista, kundi ang karaniwang mamamayan. “Ang mas mababa, magdadagdag ng requirement, parusa sa contractor. Pero ang talagang pinaparusahan ang taxpayer kasi ang contractor di magpapalugi yan. Babawasin yan sa gagawin nilang substandard,” paliwanag niya.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






