Peryodistang aktibo lang tuwing eleksyon, iniligpit

0
156

COTABATO CITY. Patay ang isang kilalang “occasional journalist” na aktibo sa pagsuporta ng mga piling political parties tuwing halalan matapos pagbabarilin noong Sabado ng umaga sa Barangay West, General Santos City.

Sa inisyal na pahayag ni Brig. Gen. Percival Augustus Placer, director ng Police Regional Office-12, agad na namatay ang biktima na si Manuel Suansing Malinao dahil sa mga tama ng bala. Pinagbabaril siya ng hindi pa nakikilalang salarin sa kanilang bakuran sa Purok Sta. Cruz, Silway, Barangay East, General Santos City.

Mabilis na nakatakas ang pumatay kay Malinao, na hindi kinikilala ng maraming reporters sa General Santos City at mga karatig na probinsya bilang ganap na miyembro ng “mainstream media.” Aktibo lamang umano si Malinao sa pagsusulat bilang propagandista ng mga political parties tuwing halalan.

Kilala rin si Malinao sa kanyang partisipasyon sa pagbuo ng mga kasong graft laban sa ilang politiko sa General Santos City at South Cotabato, kabilang ang dating mayor ng lungsod na si Pedro Acharon, Jr.

Nasentensyahan ng Sandiganbayan si Acharon sa nasabing graft case, na nagresulta sa kanyang perpetual disqualification mula sa anumang posisyon sa pamahalaan.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa pagpatay kay Malinao at ang pagkakakilanlan ng salarin.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.