Petisyon for recall laban sa vice mayor ng Cabuyao City, inihain sa Comelec

0
351

CABUYAO CITY, Laguna.  Mahigit na 500 residente ng lungsod na ito sa Laguna ang nagtipon sa City Hall kahapon upang humiling sa Comelec na magsagawa ng recall laban sa kanilang Vice Mayor na si Leif Laiglon  A. Opiña

Nakasuot ng pulang t-shirt at may mga placard na may mga mensahe ng pagtutol sa puwesto, ipinahayag ng mga residente ang kanilang mga hinaing ukol sa diumano ay mga hindi sapat na pagganap ni Vice Mayor Opina sa kanyang tungkulin.

Opisyal na inihain ng limang nag petisyon sa Commission on Elections-Cabuyao City ang kahilingan para sa recall laban kay Opiña, na ngayon ay nasa kanyang ikalawang termino.

Kabilang sa mga nanguna sa petisyon ang retiradong police colonel na si Jose Caringal Jr., na dating consultant ni Opiña

Ayon kay Caringal, nawala na ang tiwala ng mga mamamayan ng Cabuyao kay Vice Mayor Opiña dahil sa kanyang paulit-ulit na pagtutol sa mahahalagang proyekto ng lungsod.

Ayon kay Atty. Ryan Cancio, abogado ng mga nagpetisyon, hindi raw pinirmahan ni Opina ang mga ordinansang pumasa na sa plenaryo ng Sangguniang Panlungsod, kasama na ang paggamit ng calamity fund, at ang city budget. Dahil dito, naantala ang ilang proyekto ng lungsod.

Ayon sa mga nagsampa ng petisyon, obligasyon ni Vice Mayor Opiña na pirmahan at isakatuparan ang lahat ng ordinansang pumasa na sa konseho.

Kasama sa inihain na petisyon ang libu-libong dokumento na naglalaman ng mahigit 49,000 na lagda ng mga residente ng Cabuyao.

Ayon sa paliwanag ni Atty. Cancio, kailangan lamang ng 15 porsyento na lagda ng mga rehistradong botante upang makapag-file ng petisyon para sa recall sa Comelec.

Samantala, sinabi naman ni Vice Mayor Opiña na itinuturing niyang paghihiganti ang ginawang paghahain ng petisyon para sa recall matapos siyang maghain ng mga kasong oppression, grave abuse of authority, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kay Cabuyao Mayor Dennis Felipe Hain.

Sa isang post sa Facebook, binigyang diin ng vice mayor na ang mga tinutukoy na ordinansa na hindi pinirmahan ay hindi dumaan sa legal na proseso. Pinagtibay ang mga ito sa labas ng session hall ng sanggunian ng hindi siya kasama bilang vice mayor gamit ang secretariat na binuo ng alkalde, ayon sa kanya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.