PH embassy: Ikatlong Pinoy na namatay sa Israel tinitiyak pa

0
228

Kinukumpirma pa ng Philippine Embassy sa Israel ang posibilidad ng ikatlong Pilipinong namatay dahil sa pag-atake ng Hamas sa Israel. Ayon kay Deputy Chief of Mission Anthony Mandap kahapon, Miyerkules, Oktubre 11, sinusubukan pang kumpirmahin ito ng mga awtoridad sa pamamagitan ng DNA testing. “There are two confirmed dead and one for confirmation,” ayon kay Mandap.

Sa briefing sa Palasyo, sinabi ni Vice Consul Patricia Narajos na nasa 26 Filipino ang nasagip sa pag-atake habang tatlo pa ang nawawala. “There are still three missing and 26 having rescued so far. There is one injured person, recovering po siya ngayon at the hospital. He’s doing well and underwent surgery and he’s fine,” ayon sa kwento ni Narajos.

Nauna dito, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkamatay ng dalawang Filipino dahil sa armed conflict sa pagitan ng Israeli forces at Hamas militants. “The Philippines condemns the killing of two Filipino nationals and all other acts of terrorism and violence as a result of Hamas actions against Israel,” ayon sa pahayag ni DFA Secretary Enrique Manalo. Batay sa ulat ng embahada, ang dalawang nasawi ay napatay sa pag atake ng Hamas sa Kibbutz sa unang araw ng paglusob.

Humiling ang pamilya ng mga biktima na huwag nang pangalanan ang mga ito. Sinabi ni Ambassador to Israel Pedro Laylo Jr. na personal na makikipag-usap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamilya ng mga biktima upang makiramay. Kasabay nito ay kinondena niya ang karahasan sa nasabing bansa at nangakong tutulong sa mga apektadong Filipino.

Kasalukuyan ng nakikipagtulungan ang Philippine Embassy sa mga awtoridad ng Israel para sa pagpapauwi sa mga labi ng 2 nasawi, ayon sa pinakahuling update.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.