MAYNILA. Bumuo ng crisis management team ang Philippine Embassy sa Israel upang muling suriin at ayusin ang mga contingency measures para sa mga Pilipino, kasabay ng lumalalang tensyon at sunod-sunod na airstrike sa bansa.
Kinumpirma ni Ambassador Aileen Mendiola-Rau na muling binuksan ang mga dati nang tinukoy na shelter para sa mga Pilipino at inihanda na rin ang mga pangunahing pangangailangan sa iba’t ibang lugar sa Israel.
“[We convened] to review the contingency plan. Tapos tignan ‘yung current situation kung anong nangyayari… we discussed ‘yung purchasing once again ng mga essential goods na puwede i-preposition sa mga iba-ibang locations natin dito sa Israel,” pahayag ni Mendiola-Rau.
Aniya, tinitingnan din nila ang kalagayan ng mga ginamit na shelter noong mga nakaraang krisis upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sakaling lumala pa ang sitwasyon. “Nire-renew natin ‘yung mga arrangements sa mga shelter na ‘yun para ‘pag gumrabe pa ‘yung sitwasyon, our people have somewhere to go,” dagdag niya.
Ayon pa sa embahada, hindi na mabilang ang bilang ng mga missile na bumagsak sa iba’t ibang panig ng Israel mula pa kahapon.
Mahigit 50,000 Pilipino ang kasalukuyang naninirahan o nagtatrabaho sa Israel.
Samantala, isinailalim na rin sa heightened alert ang iba pang tanggapan ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Middle East dahil sa tumitinding alitan sa pagitan ng Israel at Iran.
Bagama’t wala pang inilalabas na mandatory evacuation order, may siyam na overseas Filipino workers (OFWs) na ang nagpahayag ng kagustuhang makauwi sa Pilipinas, ayon sa embahada.
Sa kabila nito, sarado pa rin ang airspace ng Israel at Jordan, kaya’t wala pang outbound flights palabas ng bansa. “We’re checking ‘yung mga possibilities kung paano ma-repatriate ang mga kababayan natin… We’re doing, we’re coming up with plans to bring our people out. Not by air but probably by land towards Jordan or towards Egypt. Tapos siyempre, ico-consider natin din ‘yung repatriation by sea,” ani Mendiola-Rau.
Nanawagan ang embahada sa mga Pilipino sa Israel na sundin ang mga ipinapahayag na safety protocols ng gobyerno, kabilang ang pag-iwas sa mga aktibidad sa labas at pagtitipon gaya ng Sunday Mass.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo