PhilHealth kidney transplant coverage, pinalawak sa P2.1 milyon

0
556

MAYNILA. Pinalawak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang kanilang benefit package para sa mga pasyenteng kailangang sumailalim sa kidney transplant, mula sa dating P600,000 ay umabot na ngayon sa hanggang P2.1 milyon kada transplant.

Kasama rin sa pinalawak na benepisyo ang mas malaking suporta para sa dialysis at maintenance care ng mga pasyente. Inanunsyo ng mga opisyal ng PhilHealth ang nationwide implementation ng bagong benefit package para sa adult at pediatric post-kidney transplant patients.

Sa ginawang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), nasaksihan niya ang pormal na paglulunsad ng bagong scheme na layong mapalawak pa ang serbisyong pangkalusugan para sa mga nangangailangang pasyente.

Dagdag pa ng PhilHealth, itinaas na rin ang dialysis coverage sa halos P1 milyon kada pasyente. Kabilang na rin ngayon sa mga benepisyo ang mahahalagang maintenance medicines at mga laboratory test.

Patuloy ding pinalalawak ng PhilHealth ang kanilang Konsulta program, na nagbibigay ng libreng medical consultations, laboratory tests, at gamot sa mga paaralan at komunidad upang mas mapalapit ang serbisyong medikal sa mga Pilipino.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.